Daughters of Saint Paul

Marso 24, 2025 – Lunes sa Ika-3 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ebanghelyo:  Lucas 4:24-30

Pagdating ni Jesus sa Nazaret, sinabi niya sa lahat ng nasa sinagoga: “Talagang sinasabi ko: walang propetang katanggap-tanggap sa sarili niyang bayan. Tinitiyak ko sa inyo na maraming byuda noon sa kapanahunan ni Elias nang sarhan ang Langit sa loob ng tatlo’t kalahating taon at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Gayon pa ma’y hindi ipinadala ni Elias sa isa man sa kanila kundi sa byuda ng Serepta sa may Sidon. Marami ring may ketong sa Israel sa kapanahunan ni Propeta Eliseo pero wala sa kanilang pinagaling kundi ang Siriong sa Naaman.” Napuno ng galit ang lahat sa sinagoga pagkarinig dito, tumindig sila at ipinagtulakan siya sa labas ng bayan. Dinala nila siya sa gilid ng burol na kinakatayuan ng kanilang bayan upang ihulog. Ngunit dumating siya sa gitna nila at umalis.

Pagninilay:

Narinig mo na siguro ang kawikaang, familiarity breeds contempt. Ang ibig sabihin nito ay nagdudulot ng pagkabagot o paghamak ang pagiging pamilyar. Ganito ang damdamin ng mga tao kay Hesus sa Mabuting Balita ngayon. Sabi niya “walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan.” Dahil kilala ng mga tao ang Kanyang pinagmulan at pamilya, hindi sila naniniwala na may kakayahang gumawa si Jesus ng mga dakilang bagay. Kilala nila Siyang anak ng isang karpintero. Namuhay sila sa isang mahirap at simpleng buhay. Nakita nila si Hesus na lumaki. Pagkatapos bigla na lang nilang narinig na gumagawa si Jesus ng mga himala sa ibang bayan. Hindi nila maubos maisip na gagawa Siya ng mga himala sa mismong bayan nila.

Gumagalaw ang Diyos sa mahiwagang pamamaraan. Minsan gumagamit Siya ng mga simpleng tao para ihatid ang Kanyang mensahe. Ginagamit niya ang kalikasan upang bigyan tayo ng mga palatandaan. Kaya hinahamon tayong maging bukas na tanggapin ang Kanyang mensahe nang may pananampalataya. Kailangan din natin ng kababaang-loob. Ang paninibugho, pagmamataas, at curiosity ay humahadlang para tanggapin natin ang Kanyang mga pagpapala. Di ba nasasaktan tayo kapag ipinapamukha sa atin ang ating mga kahinaan? Mahirap kasing tanggapin ang katotohanan kaya naman iniiwasan o itinataboy natin ang mga sugo ng Diyos.

Ipinagdiriwang natin ngayon ang kapistahan ni San Oscar Romero, arsobispo ng El Salvador. Pinaslang siya dahil ipinaglaban niya ang karapatang pantao ng mahihirap at walang kapangyarihan. Nawa’y buksan ng kanyang espiritu ang ating mga puso na magmalasakit sa lahat ng tao, anuman ang kanilang paniniwala, bansa, kasarian at edad. Amen.