Daughters of Saint Paul

Oktubre 17, 2016 LUNES Ika-29 na Linggo ng Karaniwang Panahon / San Ignacio de Antioquia

Lk 12:13-21

Sinabi kay Jesus ng isa sa karamihan; “Guro, sabihin mo nga sa aking kapatid na hatian ako ng mana.” Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya: Kaibigan, sino ang nagtalaga sa akin bilang hukom o tagapaghati n’yo?  “At sinabi niya sa mga tao:  “Mag-ingat kayo at iwasan ang bawat uri ng kasakiman sapagkat magkaroon man ng marami ang tao, hindi sa kanyang mga aari-arian nakasalalay ang kanyang buhay.”

            At idinagdag ni Jesus ang isang taong mayaman na maraming tinubo sa kanyang lupain. Kaya nag-isip-isip siya: Ano ang gagawin ko? Wala man lang akong mapagtipunan ng aking ani. At sinabi niya: Ito ang gagawin ko gigibain ko ang aking mga bodega at magtatayo ako ng mas malalaki; doon ko titipunin ang lahat kong trigo at ang iba pa. At masasabi ko na sa aking sarili: Kaibigan, may marami kang ari-ariang nakalaan para sa maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magsaya.'

            “Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos: ‘Hangal! Sa gabi ring ito, babawiin sa iyo ang iyong buhay. Magpapasakanino na ang iyong inihanda? Gayon din ang masasabi sa sinumang nag-iimpok ng yaman para sa kanyang sarili at walang tinitubo para sa Diyos.”

REFLECTION

Bilang mga tao, likas sa atin ang pagiging makasarili.  Pero hinahamon tayo ng Ebanghelyo ngayon na matuto tayong magbigay kung anong meron tayo.  Aminin natin, na sa maraming pagkakataon binabalewala natin ang mga pulubi at mga nagpapalimos sa lansangan.  Parang wala lang tayong nakita, o kaya nag-aatubili tayong magbigay dahil iniisip natin baka miyembro sila ng sindikato.  Pero mga kapatid, alam n’yo ba na sa tuwing tumutulong tayo sa iba, natutulungan din natin ang ating sarili na mapalapit sa Diyos?  Isang seminarista ang nagbahagi, na tungkulin nilang ipalaganap ang salita ng Diyos.  Pero naitanong niya sa sarili, paano ko maibabahagi ang salita ng Diyos kung hindi ko muna tatanggapin si Jesus sa aking buhay?  Mga kapatid, ganun din tayo!  Kung hindi natin tatanggapin ang Panginoong Jesus sa ating buhay at wala tayong malalim na ugnayan sa Kanya sa panalangin – tunay na wala tayong maibibigay sa iba.  Ika nga ng kasabihan “We cannot give what we do no have.” Ang Panginoon na sumasaatin ang kumikilos sa tuwing iniaabot natin ang kamay sa iba para tumulong.  Ang pagbibigay, hindi lamang materyal na bagay – maaari kang magbigay ng atensiyon sa mga di napapansin, pagmamahal sa mga di minamahal, at marami pang iba. Ito ang ginawa ni San Ignacio ng Antioquia, ibinigay niya ang kanyang atensiyon at buhay upang makilala ng nakararami ang Diyos.  Panginoon, sa tulong-panalangin ni San Ignacio ng Antioquia tulungan Mo po akong maging bukaspalad.  Amen.