Ebanghelyo: Jn 4: 43-54
Umalis si Jesus pa-Galilea. Nagpatotoo nga si Jesus na hindi pinararangalan ang isang propeta sa sariling bayan. Gayon pa man, pagdating niya sa Galilea, tinanggap siya ng mga Galileo dahil nasaksihan nila ang lahat ng ginawa niya sa Piyesta sa Jerusalem. Naroon nga mismo sila sa Piyesta. Pumunta siyang muli sa Kana ng Galilea, doon niya ginawang alak ang tubig. At nangyari, na ang anak na lalaki ng isang opisyal ng hari ay maysakit sa Capernaum. Nang marinig niya na dumating sa Galilea si Jesus mula sa Judea, pinuntahan niya siya at ipinakiusap na lumusong s’ya at pagalingin ang kanyang anak na nasa bingit ng kamatayan. Kaya’t sinabi ni Jesus tungkol sa kanya: “Hangga’t hindi kayo nakakakita ng mga tanda at mga kababalaghan, hindi kayo maniniwala.” Sinabi naman sa kanya ng opisyal: “Ginoo, lumusong ka bago mamatay ang anak ko.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Umuwi ka na. Buhay ang anak mo.” Nananalig ang tao sa salitang sinabi sa kanya ni Jesus at umuwi siya. Nang palusong na siya, sinalubong siya ng kanyang mga alipin at sinabing buhay ang anak niya. Inalam niya mula sa kanila kung anong oras siya gumaling at sinabi nila: “Kahapon po nang ala-una siya inibsan ng lagnat.” Kaya nalaman ng ama na ito ang oras nang sabihin ni Jesus: “Buhay ang anak mo.” At naniwala siya pati ang buo niyang sambahayan. Ginawa ni Jesus ang ikalawang tandang ito pagdating niya sa Galilea mula sa Judea.
Pagninilay:
Nakakamangha ang tugon ng opisyal kay Jesus sa Mabuting Balita ngayon. Nang sabihin ni Jesus, “Hangga’t hindi kayo nakakakita ng mga himala at mga kababalaghan, kailanman ay hindi kayo sasampalataya.” hindi nakipagtalo ang lalaki, at hindi rin siya nasaktan. Hindi siya humingi ng patunay ni nagtanong. Sa halip, simple at mapagpa-kumbaba siyang nakiusap, “Tayo na po, Panginoon, bago mamatay ang aking anak.” Ang focus niya ay hindi pakikipagdebate kundi pagtitiwala na si Hesus lamang ang kanyang pag-asa. Ito ang pinakadiwa ng pananampalataya – matiyaga, hindi natitinag, at nakaugat sa pananalig na kapag dinala natin ang mga pangangailangan natin sa Diyos, diringgin Niya tayo. Ang pananampalataya ng opisyal ang naghatid sa kanya sa presensya ni Jesus. Hindi niya kinailangan ng mga palatandaan upang magtiwala. Nagtiwala muna siya, at naganap ang himala. Nang sinabi ni Jesus sa kanya, “Umuwi ka na, hindi mamamatay ang iyong anak,” nagtiwala ang lalaki sa salita ni Jesus at umalis. Dito nakikita ang kanyang pananam-palataya – sa paglakad niya nang may pagtitiwala. At habang naglalakbay siya pauwi, nalaman niyang gumaling ang kanyang anak sa mismong sandali na nagsalita si Jesus. Minsan nagdadalawang-isip tayong magtiwala kasi wala naman tayong nakikitang pruweba? Gaano kadalas tayong humihingi ng signs o mga palatandaan, gayong hinihintay lang tayo ni Jesus na magtiwala? Nagpapaalala ang ebanghelyo ngayon na hindi lang humihingi ang pananampalataya – nagtitiwala ito, sumusulong, at nananalig sa katiyakan ng pagkilos ng Diyos.
Manalangin tayo: Panginoon, bigyan mo ako ng pananampalatayang tulad ng sa opisyal, na nagtitiwala sa Iyo bago pa man makita ang mangyayari; na umaasang sa paglapit sa Iyo sa panalangin, kumikilos ka na sa aking buhay. Amen.
