Daughters of Saint Paul

Oktubre 19, 2016 MIYERKULES Ika-29 na Linggo ng Karaniwang Panahon / San Juan de Brebeuf at San Isaac Jogues, mga pari at martir, at mga kasama, martir San Pablo dela Cruz, pari

Lk. 12:39-48

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: Isipin n’yo ito: kung nalaman lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi ang dating ng magnanakaw, hindi sana niya pababayaang looban ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayo dahil dumarating ang Anak ng tao sa oras na hindi n’yo inaakala.”

            Sinabi ni Pedro: “Panginoon, kanino mo ba sinasabi ang talinhagang ito, sa amin o sa lahat? Sumagot ang Panginoon: “Isipin n’yo ito: may tapat at matalinong katiwala na pangangasiwain ng Panginoon sa kanyang mga tauhan para bigyan sila ng rasyon sa tamang oras. Kung sa pagdating ng kanyang Panginoon ay matagpuan siya nitong tumutupaad nang gayon, mapalad ang lingkod na iyon. Talagang sinasabi ko sa inyo, pangangasiwain siya nito sa lahat nitong ari-arian. Ngunit maaari namang maisip ng lingkod na iyon. Matatagalan pang dumating ang Panginoon ko’t at simulang pagmalupitan ang mga utusang lalaki at babae, at kumain, uminom at maglasing. Ngunit darating ang panginoon ng lingkod na iyon sa araw na hindi inaasahan at sa oras na hindi niya nalalaman. Palayasin niya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga di dapat.

            Maraming hampas ang tatanggapin ng katulong na nakaaalam sa kalooban ng kanyang panginoon pero hindi naghanda ni sumunod sa kalooban niya. Kaunti lang naman ang tatanggapin ng walang nalalaman sa kalooban niya pero gumaawa ng mga bagay na dapat parusahan. Hihingan nga ng marami ang binigyan ng marami at hihingan nang higit ang pinagkatiwalaan nang higit.”

REFLECTION

Paghahanda, ito ang nais iparating sa atin ng Diyos sa Ebanghelyong ating narinig. Maging laging handa dahil hindi natin alam ang oras at araw kung kailan tayo babalik sa Panginoon.  Hindi ito bago sa ating pandinig.  Batid natin na ang lahat ng bagay dito sa mundo pansamantala at lilipas, maging ang ating buhay.  Kaya paano ba natin gagamitin ang maikling panahong ipinahiram sa atin ng Diyos?  Gagamitin ba natin ito sa paggawa ng kasamaan at pamumuhay na punong-puno ng galit sa puso?  Gagamitin ba natin ito sa kasakiman at pagkamal na makalupang yaman na hindi naman madadala sa kamatayan?  O sasamantalahin ang bawat sandali upang mamuhay sa pag-ibig sa Diyos at sa kapwa?  Nagpapatawad, nagmamalasakit, at tumutulong sa mga nangangailangan.  Ika nga ng kasabihan, “Live each day as if it were your last.”  Ito sana ang ating maging pamantayan nang huwag natin sayangin ang bawat araw na hiram lamang.