Lk 12:54-59
Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Kapag nakita n’yong tumataas ang ulap sa kanluran, kaagad n’yong sinasabi, Uulan, at ganoon nga ang nangyayari. At kung umiihip naman ang hangin galing timog, sinasabi n’yong magiging napakainit, at nangyayari nga ito. Mga mapagkunwari! Nabibigyan n’yo ng kahulugan ang anyo ng lupa at langit pero bakit hindi n’yo sinusuri kung ano ang panahong ito?
At ba’t hindi kayo mismo ang makapagpasya kung ano ang tama? Sa pagpunta mo sa maykapangyarihan kasama ng kalaban mo, sikapin mong makipag-areglo sa kanya sa daan; baka iharap ka sa hukom at ibigay ka naman ng hukom sa pulis para ipakulong sa bilangguan. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang kahuli-huling sentimo.”
PAGNINILAY
Mga kapatid inaanyayahan tayong unawain ang mga pangyayari sa ating buhay, hindi lamang sa kung ano ang nais ipakahulugan ng ating mga nakikita o nadarama; bagkus ang mensahe sa likod ng bawat pagyayari. Ang Diyos mismo ang nagbibigay ng kahulugan upang ating maunawaan ang Kanyang ibig sabihin sa atin. Ayon sa biograpiya ni Beato Giacomo Alberione, tagapagtatag ng Pamilya Paolina at kinikilala bilang isa sa pinakamalikhaing apostolo ng modernong panahon, naitatag niya ang iba’t ibang kongregasyon at institusyon ng Pamilya Paolina, dahil sa tanda o pahiwatig ng panahon o “signs of the times”. Para kay Beato Alberione, pahiwatig ito ng Panginoon. Kabilang na dito, ang isang gabi nang siya’y nagdarasal – nakita niya ang kakaibang uri ng liwanag na nagmumula sa Ostiya na nasa altar. Nadama niya ang nais nitong ipahiwatig – nililiwanagan at ginagabayan siya ng Panginoon tungo sa isang misyon na ipalaganap ang Mabuting Balita sa lahat ng mga tao sa pamamagitan ng makabago at modernong mga kasangkapan ng komunikasyon. Hindi naman natin kailangan sumangguni sa mga manghuhula upang maintindihan kung ano ang ibig ipahiwatig ng ating mga karanasan. Kailangan lamang na humingi ng gabay sa Diyos, ng biyaya at karunungan at tamang pang-unawa upang sa gayon, maging bukas tayo sa nais ng Diyos. Gabay at panalangin ang ating kailangan. At ito nga ang ginawa ni Beato Alberione. Nanalangin siya at sinagot nga siya ng Diyos sa pamamagitan rin ng kanyang spiritual director na si Padre Francisco Chiesa. Sinabi sa kanya ni Padre Chiesa na maging bukas lagi sa kalooban ng Diyos Ama at gawing batayan lagi ng buhay ang mga nadama niyang bahagi ng pahiwatig ng Diyos: “Huwag kang matakot, ako ay laging sumasainyo. Sa pamamagitan ng liwanang ng Eukaristiya ako’y magbibigay ng liwanag. Palagiang magsisi sa iyong mga kasalanan”. Ito nga ang lagi nang makikita sa mga simbahan at kapilya ng Pamilya Paolina na siyang nagsisilbing gabay sa lahat ng mga miyembro nito. Ang liwanag galing kay Kristo!