Daughters of Saint Paul

Oktubre 22, 2016 SABADO Ika-29 na Linggo ng Karaniwang Panahon / Santa Maria Salome

Lk 13:1-9

Dumating ang ilang tao na nagbalita kay Jesus ng nangyari sa Templo. Ipinapatay nga ni Pilato ang mga taga-Galilea at nahalo ang kanilang dugo sa mga handog nila.  Sinasabi ni Jesus sa kanila: “Sa akala n’yo ba’y mas makasalanan ang taga-Galileang iyon kaysa lahat ng mga taga-Galilea dahil sila ang nagdusa?  Hindi.  At sinabi ko sa inyo: kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat.

            Gayon din naman sa namatay na labinwalong- taong nabagsakan ang tore sa Siloe, sa akala n’yo ba’y mas may utang sila sa Diyos kaysa lahat ng naninirahan sa Jerusalem?  Sinasabi ko; Hindi, pero kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat.”

            At sinabi ni Jesus ang talinhagang ito: May taong may isang puno ng igos sa kanyang ubasan.  At pumunta siya para maghanap ng mga bunga pero wala siyang nakita.  Kaya sinabi niya sa nag-aalaga ng ubasan. Tatlong taon na akong pumarito sa paghahanap ng mga bunga sa punong-igos na iyan at wala akong nakita. Putulin mo iyan at pampasikip lang sa lupa. Ngunit sumagot sa kanya ang tauhan: Ginoo, pabayaan mo na siya ngayong taon. Maghuhukay ako sa paligid nito at lalagyan ng pataba. Baka sakaling mamunga siya pero kung hindi’y saka mo siya putulin.’”

PAGNINILAY

Mga kapatid, maraming nagsasabi bakit hindi pa mawala sa mundo ang mga taong masasama?  Bakit hinahayaan ng Diyos na mabuhay pa ang mga taong magnanakaw, mapagsamantala, kurakot, mamamatay tao at nagpapahirap sa kapwa at sa bayan?  Bakit mas inuuna Niya pang kunin ang mga taong mabubuti at kapaki-pakinabang sa kapwa at lipunan.  Tunay na hindi natin maunawaan ang plano at misteryo ng Diyos.  Pero, marahil ang Mabuting Balita ngayon ang magbibigay ng kaliwanagan sa mga katanungan nating ito.  Bakit hinahayaan ng Diyos na mabuhay pa ang masasama?  Dahil Siya’y totoong napakabuti.  Gaano man tayo kasama hindi Siya nawawalan ng pag-asang maaari pa tayong magbago.  Patuloy Niya tayong binibigyan ng pagkakataong baguhin ang sarili at magbalik-loob sa Kanya.  Mga kapatid, kahit gaano tayo kasama sa ating kapwa lalo na sa Diyos, hindi Niya tayo agad-agad pinarurusahan.  Dahil malaki ang tiwala Niyang may kakayahan tayong magbago kung gugustuhin natin, at sa tulong at habag ng Panginoon.  Kailangan lamang nating aminin na may kailangan tayong baguhin sa sarili at humingi ng tulong sa Diyos at tayo’y hinding-hindi Niya bibiguin. Manalangin tayo.  Panginoon, salamat po sa patuloy Mong pagbibigay sa akin ng pagkakataong baguhin ang sarili at magbalik-loob Sa’yo.  Basbasan mo po ako’t baguhin ayon sa Iyong Banal na kalooban.  Amen.