Daughters of Saint Paul

Abril 13, 2025 – Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon (K)

Ebanghelyo: LUCAS 23:1-49

Naroon ang mga tao na nakatingin. Pinagtatawanan naman si Hesus ng mga pinuno: “Nailigtas niya ang iba, iligtas din niya ngayon ang kanyang sarili kung siya ang Kristo, ang Hinirang.” Pinagtatawanan din siya ng mga sundalong lumapit para painumin siya ng alak na may halong suka. Sinabi nila: “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ngayon ang iyong sarili.” May nakasulat nga sa wikang Griyego, Latin at Hebreo sa kanyang ulunan: “Ito ang Hari ng mga Judio.” Ininsulto rin siya ng isa sa mga kriminal na nakapako sa krus: “Hindi ba’t ikaw ang Kristo? Iligtas mo ang iyong sarili pati na rin kami.” Pero pinagsabihan ito ng isa pang kriminal: “Wala ka bang pitagan sa Diyos, ikaw na gayon ding pagdurusa ang dinaranas? At bagay ito sa atin sapagkat tinatanggap lamang natin ang nararapat sa ating mga ginawa. Ngunit wala naman siyang nagagawang masama.” At sinabi niyakay Hesus: “Hesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” At sumagot naman si Hesus: “Talagang sinasabi ko sa iyo: makakasama kita sa Paraiso, sa araw ding ito.”

Pagninilay:

Isa sa mga kilalang combat sports ngayon ang tinatawag na mixed martial arts. At isa sa mga sikat na fighters o manlalaro ng sports na ito ay si Connor Macgregor ng Ireland. Minsan sa isang interview bago dumating ang araw ng kanyang laban, tinanong siya kung anong plano o strategy ang gagamitin nya para manalo. Ang sagot niya: “Everyone has a plan until he gets hit.” Ibig n’yang sabihin kahit anong training o paghahanda ang gawin ng isang fighter, nakakalimutan n’ya ang lahat ‘pag tinamaan na siya at nasaktan sa suntok at sipa ng kalaban.

Sa pagpunta rito sa mundo ng Panginoong Jesus, iisa lang ang kanyang plano: ang tuparin ang kalooban ng Ama na walang iba kundi ang pagpapahayag ang Paghahari ng Diyos. Sa pagtupad niya sa gawaing ito, marami din siyang nasagasaan. Maraming  maimpluwensiyang mga tao at mga makapangyarihan ang nagalit sa kanya. Alam na alam ito ni Jesus at ng kanyang mga alagad. Alam niyang gusto na siyang ipapatay ng kanyang mga kaaway. Pero hindi siya katulad ng sinabi ni Macgregor, “Jesus has a plan, and he will stick to it even if he gets hit!” Ito ang dahilan kung bakit kahit alam na ni Jesus na nanganganib ang kanyang buhay sa Jerusalem, buong-tapang pa rin siyang tumuloy roon. Ang pangyayaring iyon ang inaalala natin ngayong Linggo ng Palaspas. Pero dapat nating tandaan na ang pagpunta si Jesus sa Jerusalem ay hindi mistulang pagpapakamatay. Nagpunta siya doon kung baga, para manawagan sa mga tao sa huling pagkakataon na tanggapin nila ang paghahari ng Diyos sa kanyang katauhan. At kung kinakailangan n’yang masaktan, magdusa at ialay ang kanyang buhay sa pagtupad sa plano ng Ama, nakahanda siya. Sapagkat ayon na rin sa kanya “Naparito ako mula sa langit hindi para gawin ang aking kalooban kundi ang kalooban ng nagpadala sa akin” (Jn 6: 38). Sana tayo ring mga Kristiyano, maging matatag sa ating pananampalataya; isabuhay natin ang mga turo ni Kristo; manindigan sa tama, mabuti, at totoo kahit na mahirap gawin ang mga ito sa kasalukuyang panahon. Amen.