Daughters of Saint Paul

Abril 15, 2025 – Martes Santo

Ebanghelyo:  Juan 13:21-33, 36-38

Nabagabag sa kalooban si Hesus, at nagpatotoo: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: Ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Nagkatinginan ang mga alagad at hindi nila malaman kung sino ang tinutukoy niya. Nakahilig sa dibdib ni Hesus ang isa sa kanyang mga alagad, ang mahal ni Hesus. Kaya tinanguan ito ni Simon Pedro upang usisain si Hesus kung sino ang kanyang tinutukoy. Kaya paghilig niya sa dibdib ni Hesus, sinabi niya sa kanya: “Panginoon, sino ba iyon?” Sumagot si Hesus: “Iyon siyang ipagsasawsaw ko ng kapirasong tinapay at siya kong bibigyan.” At pagkasawsaw ng kapirasong tinapay, ibinigay niya iyon kay Judas, anak ni Simon Iskariote. Kasama ng kapirasong ito, pumasok sa kanya si Satanas. Kaya sinabi sa kanya ni Hesus: “Gawin mo agad ang gagawin mo.” Walang nakaunawa sa mga nakahilig sa hapag kung bakit sinabi niya iyon sa kanya. Dahil hawak ni Judas ang pananalapi, inakala ng ilan na sinabi sa kanya ni Hesus: “Bumili ka ng mga kailangan natin para sa Piyesta,” o kaya’y “Mag-abuloy ka sa mga dukha.” Kaya pagkakuha niya ng kapirasong tinapay, agad siyang lumabas. Gabi noon. Pagkalabas ni Judas, sinabi ni Hesus: “Niluwalhati na ngayon ang Anak ng Tao, at niluwalhati rin sa kanya ang Diyos. At luluwalhatin sa kanya ang Diyos, at agad niya siyang luluwalhatiin. Mga munting anak, sandali na lamang ninyo akong kasama. Hahanapin ninyo ako, ngunit gaya ng sinabi ko sa mga Judio: ‘Hindi kayo makaparoroon kung saan ako pupunta,’ sinasabi ko rin sa inyo ngayon. Sinabi sa kanya ni Simon Pedro: “Panginoon, saan ka papunta?” Sumagot sa kanya si Hesus: “Hindi ka makasusunod ngayon sa akin sa pupuntahan ko; susunod ka pagkatapos.” Winika sa kanya ni Pedro: “Panginoon, bakit hindi kita masusundan ngayon? Maiaalay ko ang aking buhay alang-alang sa iyo.” Sumagot si Hesus: “Maiaalay mo ang iyong buhay alang-alang sa akin? Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, hindi titilaok ang manok hanggang maitatuwa mo akong makaitlo.”

Pagninilay:

Isa na marahil sa pinakamasakit na karanasan ng isang tao ang pagtaksilan siya ng kanyang minamahal. Betrayal of trust is among the many causes of broken relationships. Maraming magkaibigan ang nagkakasira dahil ditto. At lalong maraming mag-asawa ang nagkakahiwalay dahil hindi na nawawala ang pagdududa na nagiging sanhi ng matinding selos sa asawa. Pero higit na sakit marahil ang naramdaman ni Jesus dahil hindi pa nangyayari ang pagkakanulo sa kanya. Kasi alam na niya na mangyayari ito at kung sino ang magkakanulo sa kanya. Subalit kailangan pa rin niyang tuparin ang kanyang misyon. Sa kabila ng sakit, pagmamahal at pagpapatawad ang kanyang ganti kay Judas. Kapanalig, ngayong Martes Santo, hinahamon tayo ni Jesus na tularan siya. Piliin nating patuloy na magmahal at magpatawad kahit mahapdi pa ang kirot. Mahirap pero posible kung hihilingin natin sa Diyos ang grasya at lakas na tularan si Jesus sa kanyang pagmamahal at pagpapatawad. Minsan, may dinalaw kaming kamag-aral. Kamamatay lang noon ng nagtaksil niyang asawa. Iniwan siya for 20 years, sumama sa kabit at bumalik lamang ito nang malubha na ang sakit. Mahirap sa una dahil nasanay na siyang mamuhay na walang asawa. Gayon pa man, sinikap niyang gampanan muli ang pagiging kabiyak at inihanda niya ang asawa niya sa pagharap sa Panginoon. Mapayapang umuwi ang kaluluwa ng asawa niya sa Diyos, baon ang kanyang pagpapatawad na nagdulot din sa kanya ng kapayapaan.