Lk 18:9-14
Sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa ilang taong kumbinsido na mabuti sila at minamata naman ang iba: “Dalawang tao ang umakyat sa Templo para manalangin: Pariseo ang isa at publikano naman ang isa pa. Nakatayong nananalanging mag-isa ang Pariseo. Sinabi niya: 'O Diyos, salamat at hindi ako gaya ng ibang mga tao—mga magnanakaw, mandaraya, nakikiapid, o gaya ng kolektor ng buwis na iyan. Dalawang beses akong nag-aayuno isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat kong ari-arian.'
Nasa likuran naman ang kolektor ng buwis at hindi man lang makatingala sa Langit. Dinadagukan niya ang dibdib sa pagsasabing, “O Diyos, kaawan mo ako na isang makasalanan.'
“Sinasabi ko sa inyo na ito ang umuwing nasa grasya ng Diyos ngunit hindi ang isa. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas naman ang nagpapakababa.”
PAGNINILAY
Ang Ebanghelyong ating narinig paanyayang suriin ang ating sarili kung paano ba tayo magdasal, at ano ang nilalaman ng ating dasal. Katulad ba tayo ng Pariseo na ipinagmamalaki sa Diyos ang sariling kabutihan at hinahamak naman ang kapwang namumuhay pa sa kasalanan? O katulad tayo ng publikanong nagsusumikap pang baguhin ang sarili, hindi makatingala sa langit, at dinadagukan ang dibdib sa matinding pagsisisi. Parehong may-aral na ibinibigay ang dalawang tauhan sa ating Ebanghelyo. Una, ang aral mula sa halimbawa ng Pariseo na di dapat tularan. Dahil nanalangin siya para ipagmalaki sa Panginoon ang lahat ng kabutihang nagawa niya sa Diyos at sa kapwa. Parang pinalalabas niya pang may utang sa kanya ang Diyos. At dahil sa kanyang pagmamalaki pinalalabas niya ring wala siyang pangangailangan sa Diyos. Ikalawa, ang aral mula sa halimbawa ng publikano na isang kolektor ng buwis. Batid ng taong ito ang kanyang pagkukulang sa Diyos at sa kapwa, at alam niya ring di siya karapat-dapat hangaan at tularan ng iba. Wala siyang maipagmamalaki sa Panginoon. Ipinahayag niya ang kanyang matinding pangangailangan sa awa at pagpapatawad ng Diyos. At kinikilala niyang tanging ang Diyos lamang ang makapagpapatawad sa kanyang mga kasalanan. Mga kapatid, alin ba tayo sa dalawang ito? Alalahanin nating walang kasalanang hindi kayang patawarin ang Diyos kung lubos natin itong pagsisihan, at ihihingi ng tawad sa Kanya. Ika nga ni San Pablo Apostol, “Where sin abounds, grace abounds even more.”