Ebanghelyo: Lucas 24: 35-48
Isinalaysay ng dalawang alagad ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay. Habang pinag-uusapan nila ang mga ito, tumayo siya mismo sa gitna nila at nagsabi: “Huwag kayong matakot, sumainyo ang kapayapaan!”. Nagulat nga sila at natakot, at akala’y nakakakita sila ng kung anong espiritu. Ngunit sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo naliligalig at pumapasok ang pag-aalinlangan sa inyong isipan? “Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, ako nga siya. Hipuin ninyo ako at unawain ninyo na walang laman at mga buto ang isang espiritu, at nakikita ninyo na meron ako.” Matapos masabi ito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at paa. Hindi sila makapaniwala sa labis na galak at nagtataka pa rin kaya sinabi niya sa kanila: “May makakain ba kayo rito?” At binigyan nila siya ng isang pirasong inihaw na isda at pulot-pukyutan. Kinuha niya iyon at kumain sa harap nila. Sinabi niya sa kanila: “Sinabi ko na sa inyo ang mga ito nang kasama ninyo ako: kailangang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Batas ni Moises, Mga Propeta at Mga Salmo.” At binuksan niya ang kanilang isipan para maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya: “Ganito ang nasusulat: kailangang magdusa ang Mesiyas at pagkamatay niya’y buhayin sa ikatlong araw. Sa ngalan niya ipahahayag sa lahat ng bansa ang pagsisisi at ang kapatawaran ng mga kasalanan—sa Jerusalem kayo magsisimula. Kayo ang magiging saksi sa mga ito.”
Pagninilay:
Maligayang Pasko ng pagkabuhay sa inyong lahat mga kapanalig. Ang mga pagbasa natin sa Oktaba ng Pasko ng Pagkabuhay ay naglalahad ng mga pagpapakita ni Jesus na muling nabuhay. Walong araw na mga kwento ng karanasan na nagpapatunay na si Jesus ay tunay ngang nabuhay, katawan at kaluluwa. Hinayaan niyang tingnan at hipuin ng kanyang mga alagad ang kanyang mga kamay at paa upang mawala ang kanilang pag-aalinlangan. At upang higit silang maniwala na hindi lamang siya espiritu, humingi pa siya ng makakain. Nakakaantig ng puso ang haba ng pasensya ni Jesus sa kabagalan at kahinaang umunawa ng kanyang mga alagad. Tatlong taon nila siyang kasama, at ipinahayag na niya na mangyayari nga ito sa kanya, pero parang hindi ito narinig ng kanyang mga alagad. Gayon pa man, hindi sila sinukuan ni Jesus. Pinalakas niya ang kanilang loob hanggang maging handa silang ipahayag ang Mabuting Balita ng kanyang pagkabuhay-muli. Kapanalig, naranasan mo rin ba ang ganito? ‘Yon bang puno ka ng pag-aalinlangan at gusto mo nang bumitaw sa iyong pananampalataya subalit hindi ka rin sinukuan ni Jesus? Kapanalig, hindi lamang para sa kanyang mga naliligalig at nagdadalamhating alagad ang pagpapakita ni Jesus na muling nabuhay. Para rin ito sa atin upang magtiwala tayo. Maraming beses din akong nakaramdam ng pag-aalinlangan sa mga naging desisyon ko sa buhay. Subalit hindi rin ako sinukuan ni Jesus. He never failed to remind me of the many instances where he helped me get through all the trials in my life. Araw-araw siyang nagparamdam sa iba’t ibang paraan at pagkakataon, upang palakasin ang loob ko at ipaunawa sa akin ang mga nangyayari sa buhay ko. Kapanalig, totoong buhay si Jesus! Nararamdaman ko siya dito. Ramdam mo rin ba si Jesus na muling nabuhay?