Ebanghelyo: Marcos 16:9-15
Pagkabuhay ni Hesus sa unang araw ng sanlinggo, una siyang nagpakita kay Maria Magdalena na mula rito’y pitong demonyo ang pinalayas niya. Umalis siya at ibinalita ito sa mga kasama ni Hesus na noo’y umiiyak at nagluluksa. Ngunit hindi sila naniwala sa kanya nang marinig nilang buhay si Hesus at napakita sa kanya. Pagkatapos nito, nagpakita naman si Hesus sa ibang anyo sa dalawa habang papunta sila sa labas ng bayan. At pagbalik nila, ibinalita rin nila ito sa iba pero hindi rin sila naniwala sa kanila. Sa dakong huli, nang nasa hapag ang Labing-isa, nagpakita sa kanila si Hesus at pinagsabihan sila dahil sa kawalang-paniwala nila at katigasan ng puso: hindi nga nila pinaniniwalaan ang mga nakakita sa kanya matapos siyang buhayin. At sinabi sa kanila: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang Ebanghelyo sa buong sangkinapal.”
Pagninilay:
Nakalaylay na ang sigla ng mga alagad; takot at ayaw maniwala na muling nabuhay ang kanilang inaasahan. May nakasaksi na wala na ang Hesus Maestro sa libingan, kaso, natakpan ng ulap ng pighati ang mga alagad. Sa nahuhulog na pag-asa, ginising ng ating Hesus Maestro ang pagkakilanlan sa sarili ng mga alagad. Sinariwa rin Niya ang kahulugan ng buhay at binigyan Niya sila ng direksyon para sumulong sa misyon. Ito ang tatlong ginawang pagtulak ng ating Hesus Maestro sa mga alagad. Mula sa malasakit Niya sa kanila na pinanghinaan ng loob, pinagningas ng ating Panginoon ang kanilang pag-asa. Hindi ba kay dami na rin nating karanasan ng pagkawalan ng sigla, pagkalupaypay ng kalooban, at takot na muli tayong magtiwala? Ngayong eleksyon, baka nag-aalangan tayong sumugal muli. Di ba, minsan na tayong nagtagumpay sa people power? Ilang beses din tayong nagkaisa at tumanaw sa pagbabago? Ano ang nangyari? Maraming nagsasabi na bumagsak lahat dahil sa tuso at maulo na diyablo. Oo, mayroong nagtatago at tumatahimik. Nagkikibit-balikat at lumalamig ang loob. Pero, naniniwala ako na marami pa rin sa atin ang may matatag na pusong ipalaganap ang pag-asa. Taas-noo nating panindigan na muling nabuhay ang Panginoon! Sabi nga ni San Pablo sa mga taga-Corinto, ‘Kung hindi bumangon si Hesus mula sa kamatayan, walang saysay ang ating pananampalataya. Walang silbi ang ating pangangaral.’ Dagdagan natin, ‘walang kahulugan ang ating pagsusumikap. Kaya’t gisingin natin kung sino tayo sa mata ng Diyos, sariwain natin ang dahilan ng ating buhay, isigaw at isabuhay na “Buhay ang Panginoon!”