Ebanghelyo: Juan 20:19-31
Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon ng sanlinggo at nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Hesus at pumagitna. At sinabi niya sa kanila: “Sumainyo ang kapayapaan!” Pagkasabi niya nito, ipinakita niya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita nila sa Panginoon. At muli niyang sinabi sa kanila: “Sumainyo ang kapayapaan! Gaya ng pagkakasugo sa akin ng Ama, gayon ko rin kayo ipinadadala.” At pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espiritu Santo! Patatawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin; at pananatilihin naman sa sinuman ang inyong panatilihin.” Isa sa Labindalawa si Tomas na tinaguriang Kambal. Hindi nila siya kasama nang dumating si Hesus. Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” “Maliban lamang na makita ko sa kanyang mga kamay ang bakas ng mga pako at maipasok ko ang aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako maniniwala!” Makaraan ang walong araw, muli na namang nasa loob ang kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Hesus habang nakasara ang mga pinto at pumagitna sa kanila. At sinabi niya: “Sumainyo ang kapayapaan! Tomas, dalhin mo ang daliri mo rito at tingnan ang aking mga kamay. Ipasok mo ang iyong daliri sa aking tagiliran at huwag kang tumangging maniwala!” “Panginoon ko at Diyos ko—ikaw!” “Dahil ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi nakakita at naniniwala.”
Pagninilay:
Kung awa ng Diyos ang Pag uusapan impossibleng may magreklamong salat o kapos sila sa Awa ng Diyos. Dahil sa lahat ng antas ng kasalatan ng bawat tao “AWA NG DIYOS” ang laging mayroon tayo. Maysakit—may awa ang Diyos gagaling din ako, may Krisis pinansyal—sa awa ng Diyos nakakaraos din. May exam—may awa ang Diyos, papasa ako.
Ngayong ikalawang Linggo ng Muling Pagkabuhay, tampok po sa ating Ebanghelyo si Santo Tomas. Maraming nagsasabing siya ay “the doubting Thomas” pero siguro maganda din i-highlight ang bansag sa kanyang “the courageous Thomas” Siyang totoong nagduda, pero malakas ang loob niyang magdemand kay Hesus upang punan ang kanyang umaandap na pananampalataya.
Mga kapatid/mga kapanalig, tulad ni Tomas na pinipilit intindihin ang rurok at taas ng pag-ibig at awa ng Diyos, ang totoo po ay hindi natin maarok, hindi natin talos, hindi sukat, kaya laging sagana tulad ng tubig sa dagat at ng kalangitan… walang hangganan.
Siguro po ang magandang paalala sa atin ngayon, huwag natin lilimitahan ang Awa ng Diyos. Hindi rin marapat abusuhin. Baka matipid kang umunawa, magpatawad—hindi dapat. Baka naman masaya kang magkasala dahil alam mong patatawarin ka naman ng Diyos—hindi rin po dapat. Sana po maging daan tayo upang ang mga nakadarama ng kasalatan ay matagpuan ang mukha ng Awa ng Diyos—si Hesus.