Daughters of Saint Paul

Abril 29, 2025 – Martes | Pagggunita kay Santa Catalina de Siena, dalaga at pantas ng Simbahan

Ebanghelyo: Juan 3: 7-15

Sinabi ni Hesus kay Nicodemo: “Huwag kayong magtaka dahil sinabi ko na kailangan ninyong isilang mula sa itaas. Umiihip ang hangin saan man nito ibig, at naririnig mo ang ihip nito, subalit hindi mo alam kung saan ito galing at kung saan papunta. Gayon nga ang bawat isinilang sa Espiritu.” “Paano pupuwede ang mga ito?” “Nicodemo, guro ng Israel ka pa naman, at hindi mo alam? Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo: alam namin ang aming sinasabi at pinatototohanan namin ang aming nakita, at hindi pa ninyo tinatanggap ang aming patotoo. Hindi kayo naniniwala kung mga bagay sa lupa ang sinasabi ko sa inyo, kaya paano kayo maniniwala kung mga bagay sa Langit ang sasabihin ko sa inyo. Walang umakyat sa Langit maliban sa bumaba mula sa Langit—ang Anak ng Tao. Kagaya ng pagtataas ni Moises sa ahas sa ilang, gayundin naman kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat naniniwala sa kanya.”

Pagninilay:

Paano ba maging “born again”? Ito ang tanong ni Nicodemo kay Hesus noong sinabi sa kanya ni Hesus na kailangang maipanganak muli upang makapasok sa kaharian ng langit. Hindi ito maintindihan ni Nicodemo dahil pisikal na kapanganakan ang iniisip niya; samantalang espirituwal na kapanganakan – sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu ant tinutukoy ni Jesus. Sa pamamagitan ng pagkamatay sa krus at muling pagkabuhay na muli, binibigyan tayo ni Hesus ng buhay na walang hanggan. Ganyan tayo ipinanganak na muli; hindi sa laman kundi sa Espiritu. Sumasampalataya tayo dahil ito ang sinabi ni Jesus. Idinagdag niya: “Hindi mo nakikita ang hangin pero nararamdaman mo ito. Nakikita mo ang epekto nito. Ano ang mga epekto ng Banal na Espiritu sa ating puso? Kagalakan, kapayapaan, pag-ibig; lahat ng positibong damdamin. Pero ang masamang espiritu ay nagdudulot ng lungkot, galit, selos, at iba pa.

Hindi natin alam o makokontrol kung saan at kailan dumarating at umaalis ang Espiritu Santo. Kailangan nating matutunan ang mga galaw niya sa ating buhay at sa lipunan. Ano ang mga pwersa na gumagalaw? Kaya ba nating kilalanin ang pagkaka-iba ng paggalaw ng Espiritu Santo sa makamundong espiritu? Kapag meron tayong planong gawin, sumangguni ba tayong lagi sa Banal na Espiritu? Pinakikinggan ba natin ang mga bulong niya sa ating puso?

Sabi ni San Pablo, “Huwag ninyong saktan ang kalooban ng Espiritu Santo.” Kapag hinayaan nating pangunahan tayo ng Espiritu Santo, nakikiisa tayo sa mga gawa ng Banal na Espiritu. Kahit saan tayo magpunta, dadalhin natin ang bango ng kabanalan. Kaya nga, nananalangin kami, Panginoong Hesus, tulungan mo kaming maging mas sensitibo sa inspirasyon ng Banal na Espiritu. Sundin nawa namin ang kanyang paanyayang maglakbay nang sama-sama nang may pag-asa ngayong Kuwaresma.