Daughters of Saint Paul

Mayo 4, 2025 – Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K)

Ebanghelyo: Juan 21:1-14

Muling ibinunyag ni Jesus ang kanyang sarili sa mga alagad sa may Lawa ng Tiberias. Ibinunyag niya nang paganito. Magkakasamang naroon sina Simon Pedro, Tomas, na tinaguriang kambal, Nathaniel, na  taga-Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedeo at dalawa pa sa mga alagad niya. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro: “Aalis ako para mangisda.” Sinabi nila sa kanya, “Sasama kami sa ‘yo.” Lumabas sila at sumakay sa bangka, ngunit wala silang nahuli ng gabing ‘yon. Nang madaling-araw na, nakatayo si Jesus sa dalampasigan pero hindi nakilala ng mga alagad na si Jesus iyon. Tinatawag sila ni Jesus: “Mga bata, may kaunti kaya kayong makakain?” Sumagot sila sa kanya: “Wala!” Sinabi naman niya sa kanila: “Ihulog ninyo sa may bandang kanan ng bangka ang lambat at makakatagpo kayo.” Kaya inihulog nga nila at hindi na nila makayanang hilahin iyon sa dami ng isda. Kaya sinabi ni Pedro sa alagad na ‘yon na mahal ni Jesus, “Ang Panginoon s’ya!” Nang marinig ni Simon Pedro na ang Panginoon ‘yon, nagsuot s’ya ng damit sapagkat hubad s’ya at saka tumalon sa lawa. Dumating naman ang iba pang mga alagad sakay ng bangka sapagkat hindi sila kalayuan mula sa pangpang kundi mga sandaang metro lamang. Hinila nila ang lambat ng mga isda. Kaya nang makalunsad sa lupa, nakita nilang may nagbabagang uling doon, na kinaihawan ng isda at may tinapay. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Halikayo’t mag-almusal!” Wala namang makapangahas sa mga alagad na mag-usisa sa kanya: ‘Kayo ba’y sino?’ dahil alam nilang si Jesus iyon. Lumapit si Jesus at kumuha ng tinapay at ipinamahagi sa kanila. Gayundin ang ginawa niya sa isda. Ito ang ikatlong pagpapahayag ni Jesus sa mga alagad matapos siyang ibangon mula sa mga patay.

Pagninilay:

Katatapos lang ng Labor Day kaya ipinagpapasalamat rin natin sa Linggong ito ang biyaya ng trabaho, at ang lahat ng masisipag magtrabaho para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng ating mga pamilya. Narinig natin sa Mabuting Balita sa Linggong ito na bumalik ang mga alagad sa kanilang kinagawiang trabaho—ang pangingisda. Subalit ang pakiramdam nina Simon Pedro at ng iba pang mga alagad ay kalungkutan, kamalasan, at kabiguan – kasi, wala silang huli sa buong gabi nilang pagtatrabaho.

Sa ganitong pagkakataon nagpakita sa kanila ang Muling Nabuhay na Kristo. Hindi lamang basta nagpakita sa mga alagad si Hesus. Tinagpo niya, nakipag-usap, at kumaing kasama nila ang Muling Nabuhay na Panginoon.

Gayundin sa ating panahon. Si Hesus mismo ang tatawag, lalapit, kakausap, at yayakap sa atin kung tayo ay malungkot o bigo. Handa tayong tagpuin, kausapin, at yakapin ni Hesus ano man ang kalagayan o sitwasyon natin sa buhay. Ang hindi lang Niya kayang gawin ay iwanan at pabayaan tayo. Sapagkat tapat at mapagpasensya kung umibig si Hesus. Sabi nga ni San Pablo Apostol, “Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos.” Amen.