Daughters of Saint Paul

Mayo 5, 2025 – Lunes | Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo: Juan 6: 22-29

Napuna ng mga taong nakatayo sa kabilang ibayo ng lawa na walang bangka noon sa lugar na iyon kundi isa lang at hindi sumakay si Jesus sa bangkang ito kasama ang kanyang mga alagad. Ngunit ang ilang malaking bangkang galing Tiberias ay dumating malapit sa lugar na kinainan nila ng tinapay sa pagpapasalamat ng Panginoon. Kaya nang mapuna ng mga tao na wala roon si Jesus at ang mga alagad niya, sumakay sila sa mga bangka at pumunta sa Capernaum para hanapin si Jesus. Nang matagpuan nila siya sa kabilang ibayo ng lawa, sinabi nila sa kanya, “Guro, kailan ka pumarito?” Nagsalita sa kanila si Jesus at sinabi: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hinahanap ninyo ako hindi dahil sa nakita ninyo sa mga tanda kundi dahil sa tinapay na kinain ninyo at kayo ay nangabusog. Magtrabaho kayo, hindi nga para sa pagkaing nasisira kundi para sa pagkaing nananatili at nagbubunga ng buhay na walang hanggan. Ito ang ibibigay ng Anak ng Tao sa inyo; siya nga ang tinatakan ng Diyos Ama.” “Ano ang matatrabaho namin para maisagawa ang mga ipinagagawa ng Diyos?” “Ito ang ipinagagawa ng Diyos: maniwala kayo sa sinugo niya.”

Pagninilay:

Ang Mabuting Balita na narinig natin ngayon ay bahagi ng kabuuang salaysay tungkol sa pagpaparami ni Hesus ng tinapay na ipinakain sa libu-libong tao. Namangha ang mga tao sa ginawang ito ni Hesus kaya kanilang hinanap hanggang sa matagpuan siya sa kabilang ibayo ng dagat. Ano ang nag-udyok sa mga taong ito na hanapin si Hesus? Dahil ba naniwala sila na si Hesus ang Mesiyas dahil sa mga ginawa niyang himala? Hindi. Hinanap nila si Hesus dahil sa paningin nila, isa siyang miracle worker na maraming magagawa para sa kanila, at kanilang mapapakinabangan. Sa kabila ng mga himalang ginawa ni Hesus, nanatiling sarado ang kanilang puso at isipan dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya. Kaya nga sabi Hesus sa kanila, “hinahanap ninyo ako hindi dahil sa nakakita kayo ng mga tanda, kundi dahil sa kumain kayo ng tinapay at nangabusog.”

Kapanalig, ang ating mababaw na pananaw ay nagiging sanhi ng ating pagkabulag sa katotohanan. Nangyayari sa lipunan na minsan mas pinapahalagahan natin ang tao dahil sa kanyang magagawa o maibibigay sa atin. Sa ibang salita, mahalaga siya dahil makikinabang tayo. Hindi magandang attitude ito, di ba? Ang dignidad ng isang tao ay mas mahalaga at mas higit pa sa kanyang mga nagawa o kredensyal. Mga accessories lamang ito na maaaring mawala anumang oras. Mas mahalaga at dapat igalang ang ating dignidad bilang isang tao, dahil tayong lahat ay nilikha ayon sa larawan ng Diyos