Daughters of Saint Paul

Oktubre 30, 2016 LINGGO Ika-31 Linggo ng Karaniwang Panahon

Lk 19:1-10

Pumasok si Jesus sa Jerico at dumaan sa siyudad. At may isang taong nagngangalang Zakeo.  Pinuno siya ng mga kolektor ng buwis at napakayaman. Sinikap niyang makita kung sino si Jesus pero pandak siya at hindi niya magawa dahil sa dami ng mga tao.  Kaya patakbo siyang umuna at umakyat sa isang punong-malaigos para makita si Jesus pagdaan doon.  Pagdating ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya at sinabi sa kanya: “Zakeo bumaba ka agad.  Sa bahay mo nga ako dapat tumigil ngayon.”

            Nagmamadali siyang bumaba at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus. Inireklamo naman sa isa't isa ng lahat ng nakakita rito: “Sa bahay ng isang lalaking makasalanan siya nakituloy.”  Ngunit tumayo si Zakeo at sinabi sa Panginoon: “Panginoon, ibibigay ko sa mga dukha ang kalahati ng aking mga ari-arian; at kung may nadaya ako, apat na beses ko siyang babayaran.”  At sinabi sa kanya ni Jesus: “Dumating ngayon ang kaligtasan sa sambahayang ito dahil anak nga ni Abraham ang taong ito. At dumating ang Anak ng Tao para hanapin at iligtas ang nawawala.”

PAGNINILAY

Alam n’yo po ba na ang pangalang Zakeo, hango sa wikang Hebreo na ‘zakkaii’, na ang ibig sabihi’y ‘malinis’ o “inosente’? Bagamat ganun ang tunay na kahulugan ng pangalang Zakeo, taliwas naman dito ang kanyang naging buhay.  Dahil si Zakeo isang maniningil ng buwis! At sa panahong iyon, itinuturing na makasalanan ang maniningil ng buwis dahil nagpapatong sila ng malaking halaga ng buwis na napupunta lamang sa sariling bulsa.  Bukod pa dito binabanggit rin sa Ebanghelyo na napakapandak ni Zakeo.  Napakaliit nga ang tingin ng maraming tao kay Zakeo, hindi lamang sa pisikal niyang anyo, kundi dahil nakipagsabwatan siya sa mga mananakop na Romano na kinamumuhian ng mga kababayan niyang taga-Israel. Kaya sa pagdating ni Jesus sa lugar nila Zakeo at sa kanyang buhay, ginawa niya ang lahat para masilayan ang ating Panginoon.  Dahil kay Jesus niya nakita ang kaligayahan na hindi kayang ibigay ng kanyang kayamanan.  Sa una pa man, kilala na ni Jesus si Zakeo.  Alam ni Jesus ang kanyang reputasyon sa lipunan. Pero hindi ito naging hadlang para hindi siya bigyang-pansin at kahabagan ng ating Panginoon.  Dahil sa habag at walang kundisyong pagmamahal ni Jesus, kay Zakeo, naging daan ito ng kanyang pagbabagong-loob at  kanyang sinabi sa huli:   “Panginoon, ibibigay ko sa mga dukha ang kalahati ng aking mga ari-arian; at kung may nadaya ako, apat na beses ko siyang babayaran.” Manalangin tayo.  Panginoon, nagsusumamo po ako na baguhin Mo ang aking pagkatao, katulad ng pagbago Mo kay Zakeo, upang maging daluyan ako ng Iyong pagpapatawad at pagmamahal sa aking kapwa.   Amen.