Ebanghelyo: Juan 6:30-35
Sinabi ng mga tao kay Jesus: “Anong tanda ang magagawa mo upang pagkakita namin ay maniwala kami sa iyo? Ano ba ang gawa mo? Kumain ng manna sa ilang ang aming mga ninuno ayon sa nasusulat: ‘Binigyan sila ng tinapay mula sa Langit at kumain sila.’” “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay mula sa Langit; ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na mula sa Langit. Ang tinapay ng Diyos ang pumapanaog mula sa Langit at nagbibigay-buhay sa mundo.” “Panginoon, lagi mong ibigay sa amin ang tinapay na ito.” “Ako ang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hindi mauuhaw kailanman ang naniniwala sa akin.”
Pagninilay:
“Ako ang tinapay ng buhay. Ang sinumang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasam-palataya sa akin ay hindi mauuhaw kailanman.” Ilang beses na nating narinig ang mga katagang ito. Parang lyrics ng paborito nating kanta: memorized na, ika nga. Pero gaano kalalim ang pagkakaunawa natin dito? Totoo ba ito sa buhay natin?
Nananalig tayong lahat na ang Panginoon ang pinagmumulan ng ating buhay at pag-asa. Sa piling niya, di tayo kakapusin; laging sapat… hindi magkukulang. Pero sa sandaling dumating ang matinding pagsubok, natataranta tayo. Di natin malaman kung saan pupunta… kung sino ang lalapitan. Madalas, court of last resort si Lord. Saman-talang Siya ang unang dapat nating hingan ng gabay, ng tulong.
Dumating sa buhay ko ang napakatinding pagsubok. Sa isang kisap-mata, bumaligtad ang aking panatag at komportableng buhay. Sa pagpanaw ng aking mahal na kabiyak, naiwan akong namimighati at lubog sa nakagigimbal na mga bayarin sa ospital. Dito nasubok ang aking pananampalataya. Hindi ko alam kung paano ko nalampasan ang lahat. Sa sarili kong kakayahan, imposible! Ngunit dahil sa tindi ng pagkapit ko kay Lord, natututo akong magpakumbaba. Dati-rati, ako ang nilalapitan para hingan ng tulong. Ngayon, ako ang nangangailangan!!! Kay Lord ako humingi ng lakas ng loob. Nilunok ko ang aking pride. At hindi niya ako binigo. Nagpadala siya ng mga anghel: mga taong hindi nagdalawang-isip na tulungan ako. Dahil sa kanila, naka-ahon ako at nagkaroon ng bagong buhay. Nakita ko ang mukha ng Diyos sa kanila.
Lalong pinag-igting ng panahon ang aking pananampalataya. Hindi ako magsasawang magpatotoo sa kabutihan ng Panginoon. Tunay na tunay na ang sino mang lumalapit sa kanya ay hindi magugutom at ang sumasampalataya sa kanya ay hindi mauuhaw kailanman.
Manalangin tayo: Panginoon, sa Iyo po nagmumula ang lahat ng mabuti at kanais-nais sa mundong ito. Ikaw po ang nakakaalam kung ano ang aming pangangailangan at kung ano ang dapat naming gawin upang makamit ang sagot sa aming mga samo’t hiling. Maraming pagsubok sa buhay ang aming nalampasan at haharapin pa. Huwag mo pong ipahintulot na manghina ang aming pananampalataya. Ipahintulot mo po na lagi naming maalala ang iyong pagsaklolo noong kami ay lugmok na sa hirap. At nawa, tulad ng mga anghel na pinadala mo noon sa buhay namin upang ihatid ang iyong tulong, maging instrumento po sana kami ng iyong pagpapala sa mga kapwa naming lubos na nangangailangan. Amen.