Daughters of Saint Paul

Mayo 7, 2025 –  Miyerkules – Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo: Juan 6:35-40

Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Ako ang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hindi mauuhaw kailanman ang naniniwala sa akin. Subalit sinabi ko sa inyo: Nakita na ninyo at hindi kayo naniniwala. Lalapit sa akin ang anumang ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko ipagtatabuyan sa labas ang lumalapit sa akin. Sapagkat pumanaog ako mula sa Langit hindi upang gawin ang kalooban ko kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. Ito ang kalooban ng nagsugo sa akin na huwag kong pabayaang mawala ang anumang ibinigay niya sa akin; sa halip ay ibabangon ko ito sa huling araw. Ito ang kalooban ng aking Ama: ang bawat nakasaksi sa Anak at naniniwala sa kanya ay may buhay na walang hanggan, at ibabangon ko siya sa huling araw.”

Pagninilay:

Kapag nakakita ka ng tinapay, paano mo ito inaappreciate? Pwedeng masabi natin lalo na kung bagong bake na: “Wow, masarap ito! Ang bango. Mukhang bagay ipalaman  ang strawberry jam dito ah! Teka, naiisip mo rin ba ang iba? Halimbawa, “Kanino ko kaya ito ibibigay? Matutuwa kaya ang bibigyan ko kung ipapasalubong ko ito sa kanya? Sa kanya na lang ito, mas kailangan niya kaysa sa akin. Ang unang reaction, natural lang na nag-iisip tayo para sa sarili nating contentment. Ang ikalawa, may mas nakakaangat na intensyon, dahil nakasentro sa kapwa. Isinasantabi ang pansariling hilig. Paano na lang kung ang sarili ang ibibigay? Napakinggan naitn ngayon. Ipinakilala ng ating Hesus Maestro na Siya ang “Tinapay”. Tinapay na iniaalay na buong-buo at para sa lahat. Hindi Siya nag-iisip para sa sarili. Hindi nagbibigay na tingi-tingi. Hayaan nyo’ng iugnay natin ang mga binitawang pangako ng mga nais manungkulan sa ating bansa. Limang araw na lang, eleksyon na, di ba? Pansinin natin ang  quote unquote “tinapay” nilang iniaalok. Nakakabusog sa tainga ang kanilang plataporma. For example, magbibigay ng libreng serbisyong pangkalusugan. Plano ang programang murang pagkain. Ang tanong, kàya kayà nila itong ipatupad? Kung kàya, hanggang kailan? On our part, sikapin nating maging buhay na tinapay sa ating bansa. Magagawa natin ito sa pagiging volunteers sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting para sa maayos at patas na halalan. Magbigay ng tamang impormasyon sa mga botante. Magbantay at gumabay.