Ebanghelyo: Juann 6:44-51
Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Walang puwedeng lumapit sa akin kung hindi siya ihahatid ng Amang nagsugo sa akin. At ako ang magbabangon sa kanya sa huling araw. Nasusulat sa mga Propeta, ‘Tuturuan nga silang lahat ng Diyos’, kaya ang bawat nakikinig sa Ama at natututo ay lumalapit sa akin. Wala ngang nakakita sa Ama liban sa kanya na galing sa Diyos, siya ang nakakita sa Diyos. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, may buhay na walang hanggan ang naniniwala sa akin. Ako ang tinapay ng buhay. Kumain nga ng mana sa ilang ang mga ninuno at nangamatay pa rin. Narito naman ang tinapay na pumapanaog mula sa Langit, upang huwag mamatay ang kumain nito. Ako ang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, alang-alang sa ikabubuhay ng mundo.”
Pagninilay:
They shall all be taught by God. Lahat tayo ay inaanyayahan sa pananampalataya. Tinuturuan tayong lahat ng Diyos sa paraang naaayon sa Kanya. Kadalasan, nakikilala natin ang Panginoon mula sa pagtuturo ng katesismo ng ating mga magulang, Lolo at Lola, Tito at Tita, o mga pari at katekista sa ating parokya. Subalit may mga kwento rin tayong napapakinggan ng biglaang pagbabalik-loob sa Diyos. Maaaring mula sa karanasan ng pagkakasakit o biglang pagkaligtas sa aksidente o milagrong paggaling. O kaya naman ay pagpapakita ng mga kababalaghan sa mga nangyayari sa ating kalikasan tulad ng pagbaha, paglindol, pagguho ng mga bundok, at iba pa. Sa lahat ng pangyayari at sa lahat ng panahon, nangungusap ang Diyos. Ang taong bukas ang puso at isipan sa Diyos ang nakadarama at nakababatid ng Kanyang panawagan. Makinig tayo sa ating Panginoong Jesus. Sabi ng Panginoon, “Everyone who listens to my Father and learns from him comes to me”. Samakatuwid, ang Diyos Ama mismo ang tatawag sa atin at magpapakilala sa atin sa Kanyang bugtog na Anak na si Hesus. Maging bukas nawa tayo sa pagkilos ng mapagpalang kamay ng Diyos Ama.
Manalangin tayo: Diyos Ama sa langit, buksan mo ang aming puso at isipan upang tanggapin ang Iyong paanyaya na kilalanin si Jesus na Iyong bugtong na Anak at aming Tagapagligtas. Amen.