Lk 14:12-14
Sinabi ni Jesus sa pinuno ng mga Pariseo na nag-anyaya sa kanya: “Kung maghahanda ka ng tanghalian o hapunan, huwag mga kaibigan mo o mga kapatid mo o mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang iyong kumbidahin, baka kumbidahin ka rin nila at suklian ka. Kung maghahanda ka, mga dukha, mga bale-wala, mga pilay at mga bulag ang kumbidahin mo. At magiging mapalad ka dahil hindi ka nila masusuklian ngunit sa pagkabuhay ng mga mabuti ka susuklian.”
PAGNINILAY
Magandang alalahanin sa araw na ito, ang kuwento ng isang batang araw-araw na nakamasid sa isang iskultor habang unti-unti nitong inuukit ang isang malaking kahoy. Sa huli, isang magandang anghel ang nagawa ng iskultor. “Paano n’yo po nalaman na may anghel sa malaking kahoy?” tanong ng bata. Nag-isip at pagkatapos, sumagot ang iskultor: “nalaman ko na may anghel sa malaking kahoy, kasi nakita ko ito sa aking puso”. Mga kapatid, ang tamang paghahanda sa ano mang bagay o okasyon, dapat nagmumula sa ating mga puso. Kapag sa puso ito nagmumula, nagkakaroon tayo ng kakaibang inspirasyon para pag-igihan, bigyan ng mas maraming oras, pagpaguran, at huwag panghinayangan ang ating mga paghahanda. Ang mga intensyong nasa puso ang siyang nagbibigay gabay rin sa ating mga pag-isip, layunin at kalooban. Kalimitan rin, maraming parang mga walang silbi sa ating mga paghahanda at mga plano. Pero kalimitan rin ang mga bagay na ito ang nagbibigay buhay at kulay sa ating mga plano at programa sa buhay. Ang mga dukha, pilay, bulag, silang di makabibigay ng sukli na binanggit ni Jesus sa ating ebanghelyo ngayon, ang mga parang walang silbi sa ating mga plano. Pero sabi rin nga ni Jesus, tayo’y magiging mapalad kapag ibinilang natin sila sa ating mga plano. Magiging mapalad tayo dahil sila ang nagsisilbing tanda rin ng mga kahinaan ng tao, ng pangangailangan natin sa Diyos, at ng tanda na dapat tayong magtulungan upang marating ang plano sa atin ng Diyos. Maari rin itong magbigay ng kakaibang kasiyahan sa atin. Sa Diyos lahat tayo, pantay pantay! Wala tayong maipagmamalaking yaman sa Kanya kundi ang ating pagsasabuhay ng Kanyang mga utos kung saan kabilang ang pagbubukas ng ating mga puso sa mga anak Niya. Isang bagay ang sigurado. Sakaling tanungin ng Diyos kung paano Niya nakita ang ating pagkatao at hugis sa lahat ng mga ginawa niya sa mundo, ang isasagot niya ay: “Nakita ko siya sa aking puso”. Tunay na maganda at masarap itong pakinggan. Mula ba sa puso ang ating pakikitungo sa iba? Naipapakita at naipadarama ba natin ito sa kanila?