Daughters of Saint Paul

Mayo 9, 2025 – Biyernes – Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo: Juan 6:52-59

Nagtalu-talo ang mga Judio at nagsalita: “Papaano tayo mabibigyan ng taong ito ng karne upang kainin?” Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi ninyo kakainin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay sa inyong kalooban. May buhay na walang hanggan ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo at ibabangon ko siya sa huling araw. Sapagkat tunay na pagkain ang aking laman at tunay na inumin ang aking dugo. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin at ako naman sa kanya. Sinugo nga ako ng buhay na Ama, gayundin naman dahil sa akin mabubuhay ang kumakain sa akin. Ito ang tinapay na pumanaog mula sa Langit, hindi para kainin at mamatay tulad sa inyong mga ninuno. Mabubuhay naman magpakailanman ang kumakain ng tinapay na ito.” Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito sa sinagoga habang nangangaral siya sa Capernaum.

Pagninilay:

“Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nanatili sa akin at ako sa kanya.” Napakagandang pagnilayan ang pahayag na ito ni Jesus sapagkat ito ang ginagawa natin tuwing nagsisimba tayo at tumatanggap ng komunyon. Ang ibig sabihin pala ng komunyon ay pakikiisa natin kay Jesus. Pinapatuloy natin sya sa ating buhay at nananatili tayong kapiling ni Jesus. Kung ganon, sa bawat pagdiriwang natin ng Banal na Misa nakikiisa rin tayo sa ginawang pag-aalay ni Jesus ng kanyang buhay doon sa krus. Sabi nga sa Catechism of the Catholic Church #1363, isa itong memorial o pag-alaala na hindi lamang paggunita sa nakaraan, bagkus isa itong pagpapahayag sa mga dakilang gawa ng Diyos. Ipinapahayag natin sa Banal na Misa ang pagliligtas sa atin ni Jesus at pinapanibago natin ang pakikiisa kay Jesus. Samakatuwid, kung nananatili sa atin Jesus, wala pala tayong dapat ikatakot. Kasama natin tuwina ang dakilang manunubos. Kung nanghihina tayo sa harap ng tukso at mga pagsubok, isipin lang natin na kasama natin si Jesus. Siya ang ating lakas at kalasag. Huwag sana natin siyang paalisin sa ating piling sa pamamagitan ng paggawa ng kasalanan.

Additional: Kaya kapanalig, hindi pala natin dapat gamiting excuse ang “sapagkat kami’y tao lamang” kapag nakagagawa tayo ng kasalanan. Sumasaatin si Jesus at binibigyan niya tayo ng lakas upang paglabanan at mapagtagumpayan ang anumang pagsubok sa ating buhay. Marami ring pagsubok at tuksong pinag-tagumpayan si Jesus. Mararanasan rin natin ito sa pakikipag-isa natin sa kanya. Pero kung nasa atin si Jesus, tiyak na mapagtatagumpayan rin natin anumang pagsubok ang dumating sa ating buhay.