Daughters of Saint Paul

Mayo 10, 2025 – Sabado – Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo; Juan 6:60-69

Sinabi ng mga alagad ni Jesus: “Sino ang makakarinig sa kanya?” Alam naman ni Jesus sa loob niya na nagbubulung-bulungan tungkol dito ang kanyang mga alagad kayat sinabi niya sa kanila: “Nakakaiskandalo ba ito sa inyo? Ano kaya kung masaksihan ninyo ang Anak ng Taong umaakyat sa dati niyang kinaroroonan…? Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay; walang bisa ang laman. Ang mga salitang binigkas ko ay Espiritu kaya buhay. Datapwat ilan sa inyo ang hindi naniniwala.” Sapagkat alam ni Jesus mula sa simula kung sino ang mga di maniniwala at kung sino ang magkakanulo sa kanya. At sinabi niya: “Dahil dito kaya ko sinabi sa inyo na walang puwedeng lumapit sa akin malibang ipagkaloob ito sa kanya ng Ama.” Kaya marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na nagpatuloy sa pagsama sa kanya. Sinabi naman ni Jesus sa Labindalawa: “Gusto rin ba ninyong umalis, Pedro?” “Panginoon, kanino kami pupunta? Mga salita ng buhay na walang hanggan ang iyong salita. Naniwala nga kami at nakilala namin na ikaw ang Banal ng Diyos.”

Pagninilay:

Nakakalungkot ang karanasan ni Jesus sa mabuting Balita ngayon. “Mula noo’y marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na sumama sa kanya. Tinanong ni Jesus ang Labindalawa, ‘At kayo, gusto rin ba ninyong umalis?’ Sumagot si Simon Pedro, “Panginoon, kanino pa po kami pupunta?”

Sa pagkakataong ito, napaka-realistic ng sagot ni Pedro, “kanino po kami pupunta?”

***Apat na taong gulang lamang si Mia, anak ni Grace, nang matuklasang may leukemia ito. Mahigit dalawang taong pabalik-balik sila sa Philippine Children’s Medical Center. Dating namamasukan si Grace sa isang pribadong kumpanya at OFW naman ang kanyang asawa. Sa pagtutulungan nila, nairaraos nila ang mga gastusin ng kanilang pamilya lalo na ang pag-aaral ng kanilang apat na anak. Hanggang sa matuklasan ang malubhang sakit ng kanilang bunso. Napilitang mag-resign ni Grace upang tutukan ang pagpapagamot kay Mia. Kapos ang budget nila sa laki ng mga gastusin. Ngunit naibahagi ni Grace, “hindi po namin alam kung paano nangyayaring nakakaraos po kami. Hindi po kami pinababayaan ng Panginoon. Nangako po kaming mag-asawa sa isa’t isa, kay Jesus lamang po kami tutungo at kakapit kahit anong mangyari. Gabi-gabi po, tuwing alas otso, nagdarasal po kami ng Santo Rosario bilang pamilya. Naka-video  call po ang aking asawang nasa ibang bansa. Opo, dumadaan kami sa matinding pagsubok, ngunit nariyan ang Panginoon sa aming piling, ni minsan hindi niya kami binigo.” Mga kapanalig, tunay nga po ang sinabi ni Simon Pedro, “Panginoon, kanino pa po kami pupunta?” Kanino nga po ba tayo pupunta? Nawa’y hindi tayo makalimot na anuman ang estado ng ating buhay, lahat tayo’y walang maipagmamalaki; kundi ang dakilang awa at pagmamahal ni Jesus sa bawat isa sa atin sa kabila ng samut-saring mga pagsuway natin sa Kanya. Nariyan Siya, handang magpatawad at maghandog ng panibagong buhay. Batid niya ang ating pinagdadaanan. Tunay na tapat at mahabagin ang Panginoong. Huwag mag-atubili, lumapit at kumapit kay Jesus. Siya ang ating lakas at pag-asa.