Daughters of Saint Paul

Mayo 15, 2025 – Huwebes | Paggunita kay San Isidro Labrador, magsasaka

Ebanghelyo : Juan 13,16-20

Sinabi ni Hesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, walang aliping mas dakila sa panginoon niya, ni walang sinugong mas dakila sa nagpadala sa kanya. Kung nauunawaan ninyo ito, mapalad kayo kung isasagawa ninyo ang mga ito. Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko. Kilala ko ang mga hinirang ko. Ngunit kailangang maganap ang kasulatan: ‘Ang nakikisalo sa aking pagkain ay nagpakana laban sa akin.’ Sinasabi ko na ito ngayon sa inyo bago pa mangyari upang manalig kayo na Ako Nga, kapag ito ay nangyari. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: ang tumatanggap sa ipinadadala ko ay sa akin tumatanggap, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa Amang nagpadala sa akin.”

Pagninilay:

“Tunay na tunay kong sinasabi sa inyo: ang tumatanggap sa susuguin ko ay  tumatanggap sa akin at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.”

Sa mga katagang ito, ipinapahayag ni Jesus ang pagkakaisa nila ng Diyos Ama,  pagkakaisang ibinabahagi Niya sa atin. Ang pagkakaisa ay hindi galing sa pasisikap natin. Isa itong divine gift. Bagama’t natutugunan ng pagkakaisa ang ating pinakamalalim na pangangailangan, hindi ito maipaliwanag ng ating sinasabi o ginagawa. Inihayag sa atin ni Hesus ang tunay na pinagmumulan ng pagkakaisa – ang pakikipag-isa sa pagitan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.

Binibigyang-diin rin ni Hesus na ang mga tumatanggap sa kanyang mga tagasunod ay tinatanggap rin Siya at ang Ama. Itinatampok nito ang kahalagahan ng paggalang at pagsuporta sa mga kumakatawan sa mga turo at misyon ni Hesus – ang Church Magisterium at katekismo, ang Santo Papa, mga pari at mga religious. Pinili tayo, pinagkatiwalaan at isinugo ni Hesus bilang kanyang mga alagad. Iisa lamang ang misyon – ang ipalaganap ang Kaharian ng Diyos sa buong sanlibutan. Ang pagtanggap ng misyong ito ay nagagawa sa pamamagitan ng lubos na pakikibahagi sa pagkakaisa ni Hesus sa Ama at sa Espiritu Santo.