Ebanghelyo: Juan 14:1-6
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manalig kayo sa Diyos, at manalig din kayo sa akin. Maraming silid sa bahay ng aking Ama. Kung hindi’y hindi ko sana sinabi sa inyong: ‘Papunta ako upang ipaghanda kayo ng lugar.’ At kapag nakapunta na ako at nakapaghanda ng lugar para sa inyo, muli akong darating at isasama ko kayo para sa aking sarili upang kung saan ako naroroon, gayon din naman kayo. At alam n’yo ang daan sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas: “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Papaano namin malalaman ang daan?” “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang sinumang nakalalapit sa Ama liban sa pamamagitan ko.”
Pagninilay:
Ang Mabuting Balita ngayon ang isa sa mga paborito kong pagbasa sa Bibliya. Mahalaga ito sa akin sapagkat ito ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob na mag-desisyon na maglingkod at ialay ang buhay ko bilang isang madre o relihiyosa. Mahirap iwanan ang pamilya at pasukin ang buhay relihiyosa. Bagama’t mula pa sa pagkabata ay pangarap ko na ang maging madre, hindi naging madali ang iwanan ang aking pamilya. Nag-aral ako ng college sa Sacred Heart College, sa Lucena. Ang unang dahilan ay para makapagsimba ako araw-araw at upang maalagaan ko ang bokasyon na ninanais ng Diyos para sa akin. Subalit noong malapit na akong magtapos at natanggap ko ang sulat na nakapasa ako bilang aspirant ng Daughters of Saint Paul, bigla akong natakot.
Takot pala ‘yon ng pag-aalala para sa aking mga magulang, at marahil, ng kawalan ng katiyakan sa hinaharap. Maraming tanong na “paano kung?…” ang pumasok sa aking isip. Muli kong binalikan ang pagbabasa ng Bibliya at inulit-ulit ko ang Mabuting Balita ngayon: “Do not let your hearts be troubled. You have faith in God; have faith also in me”. Sa loob ng 39 years na ako ay nasa religious community, sa kabila ng ups and down ng aking pagsunod sa Panginoon, lagi kong dinarama sa aking puso ang katiyakan na sa huli, tahanan ng Diyos ang aking hantungan.Panalangin: Ikaw po Panginoong Hesus ang aming sandigan at lakas sa lahat ng oras at pagkakataon. Gabayan Nyo po kaming lagi at akayin sa tunay na liwanag upang hindi kami maligaw. Amen.