Daughters of Saint Paul

Mayo 17, 2025 – Sabado | Ika-4 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo: Juan 14:7-14

Sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad:  Kung nakilala sana ninyo ako, nakilala rin ninyo ang aking Ama. Ngunit kilala na ninyo siya at nakita ninyo siya.” Sinabi sa kanya ni Felipe: “Panginoon, ituro mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sumagot sa kanya si Jesus: “Diyata’t matagal na panahon na ninyo akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang ama ang nakita niya. Papaano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa ng nananalig sa akin ang aking ginagawa; at mas dakila pang mga bagay ang kanyang gagawin. Sapagkat sa Ama ako papunta. Anumang hingin n’yo sa Ngalan ko’y gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa Anak. At kung sa aki’y may hihingin kayo sa Ngalan ko, gagawin ko iyon.”

Pagninilay:

Kamakailan ay may nag-trend sa TikTok na laro: nakapiring ang mata ng main player tapos kailangan niyang hulaan ang mga nakahanay sa likuran niya gamit lamang ang kanilang boses. Bilang isang choir conductor, palagay ko na mahuhulaan ko rin ang aking mga miyembro batay sa kanilang boses. Sa katunayan, ganito rin natin dapat kilala si Hesus bilang ating Mabuting Pastol: sa Kanyang tinig na atin lamang makikilala sa pananalangin. Kung gayon, hindi lamang pala ito tungkol sa boses; ito ay patungkol sa pagkilalang bunga ng malalim at taiMateoimang pakikipagrelasyon.

Si Hesus mismo ang ating huwaran sa tunay at matalik na pakikipag-ugnayan sapagkat ito ang estado sa buhay ng Banal na Santatlo: ang Ama ang umiiibig, ang Anak ang iniibig, at ang walang-hanggang palitan ng pag-ibig na ito ay ang Espiritung Banal. Dahil walang ibig ang umiibig kundi manatili sa piling ng iniibig, pangarap din para sa atin ni Hesus na mamalagi tayo sa Kanyang piling upang sa pamamagitan Niya na ating Daan ay mas makilala natin nang lubusan ang Amang lumikha sa atin dahil sa pag-ibig.  

Mga kapanalig, hindi natin masasabing kilala at iniibig natin ang Diyos kung hindi natin binibigyang-halaga at oras ang pakikipagdaupang-palad sa Kanya sa panalangin. Hindi gawain ang panalangin; ito ay isang buháy na pakikipag-kapwa sa Diyos na laging naghihintay sa atin. Nawa’y tanggapin natin ang Panahon ng Muling Pagkabuhay bilang pagkakataong lalong palalimin at papag-igtingin ang ating pakikipagkaibigan sa Diyos. Tanging sa pananalangin tayo lalago bilang mga kawangis ng Diyos upang sa pamamagitan naman natin ay mabanaag si Hesus sa ating mundong uhaw sa pag-ibig.