Ebanghelyo: Juan 14:27-31a
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo; ibinibigay ko sa inyo ang aking kapayapaan. Hindi tulad ng pagbibigay ng mundo ang pagbibigay ko nito sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong mga puso; huwag kayong matakot. Narinig ninyong sinabi ko sa inyo: ‘Paalis ako, subalit pabalik ako sa inyo.’ Kung minahal ninyo ako, magagalak sana kayo sa pagpunta ko sa Ama, sapagkat mas dakila sa akin ang Ama. Ngunit sinasabi ko na ito ngayon sa inyo bago mangyari, upang maniwala kayo kapag nangyari ito. Hindi ko na kayo kakausapin nang mahaba, sapagkat parating na ang pinuno ng mundo. Wala siyang inaari sa akin, ngunit dapat malaman ng mundo na mahal ko ang Ama, at kung anong iniutos sa akin ng Ama, ito mismo ang aking ginagawa.”
Pagninilay:
Napakalinaw ng mga salita ni Jesus sa ating Mabuting Balita. “Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag mabagabag ang inyong kalooban at huwag kayong matakot.”
May kilala akong napakayamang pamilya. Puro sila successful business men and women. Malaki at matatag ang kanilang mga kumpanya. Patuloy ang paglago ng mga ito hanggang sa nakapagbukas din sila ng branches sa iba’t ibang bansa. Biyahe dito, biyahe doon. Magagarang bahay. Napakasasarap na mga pagkain sa hapag. Masarap kayang umupo sa kanilang sofa na parang sa prinsesa? Sa isip-isip ko lang, woooooow parang ang sarap manirahan sa mga bahay na ‘yan. Pero sa kabila ng karangyaan nila sa buhay, hindi sila nagtuturingan bilang pamilya. Sa halip, business partners lang ang tingin nila sa bawa’t isa. Maraming security guards. Maraming tagapagsilbi. Ngunit heto, kinakailangan daw mag-take ng sleeping pills ang bawat isa sa kanila para makatulog. Tanong ko, “Bakit?”
Mga kapanalig, huwad na kapayapaan lamang ang pangako ng makamundong karangyaan. Walang tunay na kapayapaan sa isang tahanang walang puwang para sa Panginoon, gaano man karami ng kayaman ng mga naninirahan doon. Opo, si Jesus lamang ang makapagbibigay sa atin ng tunay na kapayapaan, ‘yung nakakatulog tayo nang mahimbing sa gabi kahit walang sleeping pills. ‘Yung payapa ang ating kalooban sapagkat batid nating nandyan si Jesus na patuloy na gumagabay, nangangalaga at umaalalay sa atin araw-araw.
Nawa’y isa-puso natin ang mga salita ni Jesus. Tunay na kapayapaan ang Kanyang pangako sa sinumang nananalig, nananatili at nagsasabuhay ng Kanyang mga salita. Siya lamang at wala ng iba ang bukal ng tunay na kapayapaan. Kay Jesus, walang dapat ikabagabag, walang dapat ikatakot. Tapat Siya sa Kanyang mga pangako. Halina, sa Kanya’y lumapit at manalig, tanggapin ang handog Niyang kapayapaan at hayaang tayo’y Kanyang baguhin. Tapat ang Panginoong Jesus mula noon, hanggang ngayon, at magpakailanman.