Daughters of Saint Paul

Nobyembre 5, 2016 SABADO Ika-31 Linggo ng Karaniwang Panahon / San Espino

Lk 16:9-15

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo: gamitin n’yo ang di matuwid na Perang-diyos para magkaroon ng mga kaibigan para sa pagkaubos nito’y tanggapin naman nila kayo sa walang hanggang mga tahanan.

Ang mapagkatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaki, at ang di mapagkakatiwalaan sa maliliit ay hindi rin mapagkatiwalaan sa malalaki. Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa di matuwid na pera, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa mga bagay na labas sa inyo, sino pa kaya ang magbibigay sa inyo ng atin na mismo?

Walang katulong na makapagsisilbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian niya ang isa at mamahalin naman ang isa pa o magiging matapat sa isa at mapababayaan ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera.”         

Naririnig ng mga Pariseo ang lahat ng ito. Sakim sila kaya pinagtatawanan nila siya. At sinabi ni Jesus sa kanila: “Ginagawa n’yo ang lahat para magmukhang mabuti sa paningin ng mga tao ngunit alam ng Diyos ang inyong mga puso. At kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang mataas sa mga tao.”

PAGNINILAY

Marahil narinig na ninyo ang mga salitang, “Ang pera ang ugat ng kasamaan.”  Pero kung tutuusin, kulang ang kasabihang ito.  Hindi pera ang ugat ng kasamaan kundi ang pag-ibig dito.  Ang pera, kasangkapan lamang.  Nasa atin nang pagpapasya kung gagamitin natin ito sa kasamaan o sa kabutihan.  Gaya ng sinasabi ng Panginoong Jesus sa ating Ebanghelyo.  Gamitin natin ang salapi upang makamit ang mga bagay na tunay na mahalaga.  Gamitin natin ang salapi upang makamit ang mga bagay na kalugud-lugod sa Kanya.  Kapatid hindi masamang maging mayaman o maghangad na yumaman.  Lalo na kung ang kayamanan magiging daan para maipalaganap ang Mabuting Balita, para mailapit ang maraming tao kay Jesus, para matulungan ang nangangailangan, at para makatulong sa mga gawain ng Simbahan.  Hindi masamang yumaman, basta si Kristo ang mananatiling sentro ng ating buhay.  Kaya naman dapat tayong maging maingat sa mga nais natin.  Dahil alam na alam ng Panginoon ang tunay na nilalaman ng ating puso.  Sa araw na ito, tanungin natin ang ating mga sarili: “Kanino o saan ba umiikot ang mundo ko: Sa pera ba o kay Kristo?”  Panginoon, Kayo po ang ninanais kong maging sentro ng buhay ko.  Turuan Mo po ako sa wastong paggamit ng anumang yamang hiram lamang,  para sa Iyong kaluwalhatian.  Amen.