Daughters of Saint Paul

Mayo 30, 2025 – Biyernes | Ika-6 ng Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo:  Juan 16,20-23

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, tatangis kayo at tataghoy ngunit magagalak naman ang mundo. Malulungkot kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong kalungkutan. Namimighati ang babaeng malapit nang manganak sapagkat sumapit na ang oras niya. Ngunit pagkasilang sa sanggol, hindi na niya naaalaala ang dalamhati dahil sa galak: pumasok sa mundo ang isang tao! “Gayundin kayo namimighati ngayon. Ngunit muli ko kayong makikita at magagalak ang inyong kalooban, at walang makaaagaw sa galak ninyo. At sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin sapagkat talagang sinasabi ko sa inyo na anumang hilingin n’yo sa Ama sa Ngalan ko ay ipagkakaloob niya sa inyo.”

Pagninilay:

Naalala ko ang kwento ng mga nanay. Kapag nagle-labor pa si nanay, panay daw ang sabi na “ayoko na,” lalo na kung matagal lumabas si baby. Pero kapag naipanganak na si baby, parang balewala na raw ang lahat ng hirap. Galak at pananabik na lamang ang nadarama ni mama kapag nahawakan na si baby. Madalas, makalipas lamang ang isang taon, manganganak na naman uli si mama. Nakalimutan na yata na minsan ay sinabi nyang “Ayoko na!”

Ganito inilarawan ni Jesus sa Mabuting Balita ngayon ang mararanasan ng kanyang mga alagad sa kanyang paglisan. Matitigib sila ng lungkot at pangungulila. Mapupuno sila ng takot at pangamba kapag dumating na ang kanyang oras ng paglisan at pagbabalik sa Ama. Subalit sandali lamang ito dahil muling mabubuhay si Jesus at babalik sa kanilang piling. Sa Kanyang pagbabalik, ibayong galak ang madarama ng kanyang mga alagad at walang makakaagaw sa kanilang kagalakan. Kapanalig, hindi ba ganito rin ang ating nararanasan tuwing mawawalay tayo kay Jesus dahil sa ating mga kasalanan? Nababagabag tayo at nalulumbay. Hindi tayo mapalagay at matahimik. Subalit kapag nagsisi tayo at nagbalik-loob sa Kanya ibayong saya ang ating nadarama. Ramdam natin ang muling pakikiisa natin kay Jesus. Nakadarama tayo ng kapayapaan at galak na hindi natin maipaliwanag. Kapanalig, manaig nawang lagi sa atin ang kalooban ni Jesus upang anuman ang hingin natin sa Ama sa ngalan Nya ay ibigay sa atin.