Daughters of Saint Paul

Mayo 31, 2025 – Sabado | Kapistahan ng Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria

Ebanghelyo:  Lucas 1,39-56

Nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan! Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinasabi sa kanya ng Panginoon.” At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas dahil isinaalang-alang niya ang balewalang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t-salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak. “Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga balewala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman. Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.” Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.

Pagninilay:

Malaking pagdiriwang ang karaniwang nagaganap sa huling araw ng buwan ng Mayo. Sa araw na ito idinaraos ang en grandeng Santacruzan kung saan sumasagala ang mga maririkit na kababaihan na naghahandog ng mga bulaklak bilang pagpaparangal sa Inang Maria. Sa araw ding ito ginugunita sa Simbahan ang kapistahan ng Pagdalaw ng mahal na Birheng Maria sa pinsan niyang si Elisabet. Tinatayang 134 kilometro ang layo ng Nazaret patungo sa Ain-karem, ang tahanan ni Elisabet kaya’t sinasabing apat na araw ang naging paglalakbay ni Maria. Hindi nagdalawang-isip si Maria at agad siyang tumungo sa pinsan niya na ayon sa anghel ay tatlong buwan nang nagdadalang-tao. Hindi pumunta si Maria para tiyakin kung totoo nga ang ibinalita sa kanya ng anghel. Pagkatapos sumang-ayon si Maria na maging ina ng anak ng Diyos, napuspos siya ng ibayong kagalakan at tuwa. Hindi ba kung may napakaganda tayong karanasan

bumabaling tayo sa mga taong pinakamalapit sa atin para ikuwento ang magandang pangyayari sa buhay natin? Ibig ni Maria na makaharap si Elisabet para mayroon siyang maging kasalo sa magandang balita na tinanggap niya. Nais ding damayan ni Maria ang pinsan niya. Pareho silang nasa gipit na sitwasyon. Lampas na sa panahon ng pagbubuntis si Elisabet ngunit nagdadalang-tao siya. Si Maria naman ay nagdadalang-tao dulot ng Espiritu Santo. Kapwa sila biniyayaan ng sanggol sa paraang mahiwaga ayon sa plano ng Diyos. Isisilang ni Elisabet si Juan Bautista na siyang magpapakilala sa sanggol na iluluwal ni Maria – walang iba kundi si Jesucristo. Sa paraang ipapahintulot ng Diyos, ituro rin natin si Jesus sa ating kapwa at dalhin natin siya sa mga taong nakakasalamuha natin.