Jn 2:13-22
Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon pa-Jerusalem si Jesus. Natagpuan niya sa patyo ng Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa at mga kalapati, at ang mga nakaupong tagapalit ng pera. Kaya gumawa si Jesus ng panghagupit mula sa mga lubid, at ipinagtabuyan ang lahat mula sa Templo, pati ang mga tupa at mga baka, at isinabog ang pera ng mga tagapalit sa pagtataob ng mga mesa. At sinabi niya sa mga nagtitinda ng mga kalapati: “Alisin ninyo ang mga ito! Huwag na ninyong gawing bahay-kalakalan ang Bahay ng aking Ama.” Naalaala ng kanyang mga alagad na nasusulat: “Naglalagablab sa akin ang malasakit sa iyong Bahay.”
Sumagot ang mga Judio: “Anong tanda ang maipakikita mo sa amin? Ano ang magagawa mo?” Sinagot sila ni Jesus: “Gibain ninyo ang Templong ito, at ibabangon ko ito sa tatlong araw.”
Sinabi naman ng mga Judio: “Apatnapu't anim na taon nang itinatayo ang Templong ito, at ibabangon mo sa loob lamang ng tatlong araw?” Ngunit ang Templo ng kanyang katawan ang tinutukoy ni Jesus. Nang bumangon siya mula sa mga patay, naalaala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya naniwala sila sa Kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus.
PAGNINILAY
Mga kapatid, ang Templo ang sentro ng buhay ng mga Judio kung saan nagmumula ang kapangyarihan, pamumuno, kalakalan, at bawat pagkilos na ipinapatupad ng mga matatanda ng bayan. Kung paanong iningatan at iginalang ni Jesus ang Templo, gayundin sana ang pagturing ng bawat tao sa simbahang kanilang kinabibilangan. “Bahay ng aking Ama” ang pagkilala ni Jesus sa Templo, kung kaya’t nararapat lamang na bigyan ito ng kaukulang paggalang at pagpapahalaga. Ipinapaalala sa atin ng Ebanghelyo na ang Templo o simbahan, una sa lahat – lugar dalanginan, lugar ng paglago sa pagsamba sa Diyos at pag-ibig sa kapwa. Paano ba natin iginagalang ang simbahan bilang Tahanan ng Poong Diyos? Nakakalungkot pagmasdan na ginagawa itong tambayan o bahay tagpuan ng mga magkasintahan, o kaya lugar ng tsismisan ng mga manang. May mga nagtetext, nagkukwentuhan at ang mas kalunos-lunos na pangyayari, dito nagsasamantala ang mga magnanakaw sa mga taong taimtim na nagdarasal. Idulog natin sa Diyos na mapahalagahan natin ang simbahan bilang tunay na bahay-dalanginan. Panginoon, dagdagan Mo po ang aking pananampalataya Sa’yong buhay na Presensiya sa Simbahan bilang bahay-dalanginan. Igawad ko nawa ang marapat na paggalang at pagsamba Sa’yong Templo. Amen.