Daughters of Saint Paul

Hunyo 6, 2025 – Biyernes sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay | Paggunita San Norberto, obispo

Ebanghelyo: Jn 21:15-19

Nagpahayag si Jesus sa kanyang mga alagad nang makapag-almusal sila, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro: “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako nang higit pa sa mga ito?” “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” “Pakanin ang aking mga kordero.” “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?” “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” “Akayin mo ang aking mga tupa.” “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” “Iniibig mo ba ako?” “Panginoon, ikaw ang nakaaalam ng lahat; alam mong iniibig kita.” “Pakanin mo ang aking mga tupa. Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, nang bata-bata ka pa, nagbibigkis ka sa iyong sarili at palakad-lakad ka saan mo man loobin. Ngunit pagtanda mo’y ididipa mo naman ang mga kamay mo, at iba ang magbibigkis sa iyo at magdadala sa ayaw mo.” Tinukoy naman ito ni Jesus bilang pananda sa paraan ng kamatayang ipanluluwalhati ni Pedro sa Diyos. At pagkatapos nito ay sinabi niya: “Sumunod ka sa akin!”

Pagninilay:

Isinulat po ni Sr. Tess Espina ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay.

Siguro nagtataka si Pedro kung bakit tatlong beses siyang tinanong ni Jesus. Sa totoo lang, nasaktan siya… dahil alam niya sa puso niya na mahal niya si Jesus. Nagdududa ba si Jesus sa pagmamahal niya? Baka naman gusto lang ni Jesus na marinig ni Pedro mismo ang pagpapahayag ng pagmamahal niya. Hamon rin sa atin ang tanong na ito para suriin kung ano talaga ang importante sa atin. Marami tayong pinagkaka-abalahang bagay; kabi-kabila ang distractions at mga inaasam.

Sa Biblia, kapag paulit-ulit ang salita, ibig sabihin ay mahalaga o urgent ito. Sa Mabuting Balita ngayon, ipinapakita ang koneksyon ng pagmamahal at paglilingkod. Araw-araw, pinapaalala sa atin na maglingkod at magmahal sa mga nangangailangan at mahihina. Hindi lang ito inutos kay Pedro, kundi sa ating lahat. Inuutusan tayo na maglingkod sa pamilya at komunidad nang may pagmamahal, pag-unawa, at pasensya.

Sa huli, sinabihan ni Jesus si Pedro na sumunod sa Kanya. Ang pagsunod kay Cristo ay isang commitment. Kailangan nating yakapin hindi lang ang kagalakan kundi pati na ang mga hamon ng ating pananampalataya. Makatatagpo ng tayo kapanatagan at lakas kasama ang Tagapagligtas na nagpapanibago at nagbibigay-kakayahan sa atin para ipagpatuloy ang Kanyang misyon