Daughters of Saint Paul

Hunyo 21, 2025 – Sabado | Ika 11- Linggo ng Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Mt 6:24-34

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Walang makapagsisilbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian ang isa at mamahalin naman ang isa pa, o magiging matapat sa una at mapapabayaan ang pangalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera.    Kaya sinasabi ko sa inyo: huwag mag-alala sa kakanin at iinumin para sa inyong buhay, o sa idadamit para sa inyong katawan. Di ba’t mas mahalaga ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa damit? Tingnan ninyo ang mga ibon sa Langit: hindi sila naghahasik ni nag-aani, ni nag-iipon sa mga bodega, gayunma’y pinakakain sila ng inyong Amang nasa Lngit. Di ba mas mahalaga kayo kaysa mga ibon? Sino sa inyo ang makapagdadagdag sa kanyang taas sa pagkabahala niya? At bakit kayo mababahala tungkol sa pananamit? Tingnan ninyo ang mga bulaklak sa bukid, sa pagtubo ng mga ito. Hindi sila nagtatrabaho o humahabi. Ngunit sinasabi ko sa inyo na kahit na si Solomon sa kanyang kayamanan ay hindi nakapagbihis gaya ng isa sa kanila. Kung ganito ang damit na ibinibigay ng Diyos sa mga damo – mga damong nasa bukid ngayon at susunugin bukas sa kalan-higit pa ang gagawin niya para sa inyo, mga taong kukunti ang paniniwala! Huwag na kayong mag-alala at magsabi: Ano ang ating kakainin? Ano ang ating iinumin? O, ano ang ating isusuot? Ang mga pagano ang nababahala sa mga bagay na ito, ngunit alam ng inyong Amang nasa Langit na kailangan ninyo ang mga ito. Kaya hanapin  muna ninyo ang Kaharian at katarungan ng Diyos, at ibibigay rin sa inyo ang lahat ng ito. At huwag alalahanin ang bukas sapagkat bahala ang bukas na mag-alala sa kanyang sarili. Sapat na sa bawat araw ang sariling hirap nito.”

Pagninilay:

“Unahin n’yo ang Kaharian ng Diyos at ang Kanyang katuwiran, at ibibigay Niya ang lahat ng kailangan n’yo!”

Sinunod ni Blessed James Alberione ang mga salitang ito bilang patnubay ng kanyang buhay, at tinuruan niya ang kanyang mga spiritual children na sundin ito. Natutunan ko ‘to nung pumasok ako sa Daughters of St. Paul. Bilang postulant, sumasama ako sa isang professed Sister para bisitahin ang mga pamilya at opisina, dala-dala ang Bibliya, Ebanghelyo, at mga religious books. Kumakatok kami sa bawat bahay. Hindi namin pinipili kung ano ang relihiyon o paniniwala ng mga tao roon. Uuwi lang kami sa convent pagdating ng hapon.

Wala kaming baong pagkain o pera. Lagi kong iniisip: “Saan kaya kami kakain?” Pero sabi ng kasama kong Sister, “Magpo-provide ang Diyos.” At totoo nga! Sa loob ng limang taon kong pagmi-mission, hindi ako nagutom kahit minsan. Lagi na lang may mabuting tao nag-aalok ng pagkain. Kung wala naman, humihingi kami. Kung malayo ang mission, lumalapit kami sa parish priest o sa mabait na parishioner para sa aming matutuluyan at pagkain. Walang advanced notice—diretsong tanong lang pagdating namin. Oo, hindi naging madali: may mga paghamak, pagtanggi, peligro sa byahe, at evil forces. Pero bahagi ‘yun ng paghahanap sa Kaharian ng Diyos at pagtitiwala sa Kanya—dahil talagang nagpo-provide Siya.

Ngayon, tanungin natin ang ating sarili: Mayroon bang anumang pagkabalisa sa aking puso para sa isang bagay na gustong-gusto kong magkaroon o natatakot na mawala? Pera? Kapangyarihan? Karangalan? Security? Kalusugan? Kahit ano pa ‘yan, ang labis na pag-aalala ang magdudulot sa’yo ng alta presyon, sakit sa puso, diabetes, auto-immune diseases, at iba pang problema.

Pero kung pipiliin nating magtiwala sa Diyos at unahin ang Kanyang Kaharian—sa kababaang-loob, pagtanggap sa kahirapan, at mabubuting gawa—ibibigay Niya ang lahat ng kailangan natin, at higit pa! Tulad ng sabi ni St. Paul, “magagawa niya ang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin.”

Kaya manalangin tayo: “Diyos namin at mapagmahal na Ama, pinipili Kita bilang Panginoon ng buhay ko. Dagdagan Mo ang tiwala ko sa ’Yo. Amen!”