Daughters of Saint Paul

Nobyembre 14, 2016 LUNES Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon / San Lorenzo

Lk 18:35-43

Nang malapit na si Jesus sa Jerico, may isang bulag doon na nakaupo sa tabi ng daan at nagpapalimos. Nang marinig niya ang maraming taong nagdaraan, itinanong niya kung bakit. At may nagsabi sa kanya:  “Sina Jesus na taga-Nazaret ang dumaraan.” Kaya sumigaw siya:  “Jesus, Anak ni David, maawa ka sa akin.”  Pinagsabihan siya  at pinatahimik ng mga nauuna pero lalo naman niyang nilakasan ang sigaw:  “Anak ni David, maawa ka sa akin.”

            Kaya tumigil si Jesus at ipinadala ang bulag sa kanya, at nang malapit na ay itinanong:  Anong gusto mong gawin ko sa iyo?” Sinabi nito:  “Panginoon, makakita sana ako.” At sinabi ni Jesus “Manumbalik ang paningin mo, iniligtas ka ng iyong pananalig.” Agad siyang nakakita at niluluwalhati ang Diyos na sumunod kay Jesus. At nagpuri sa Diyos ang lahat ng nakakita rito.

PAGNINILAY

Mga kapatid, higit sa pisikal na pagkabulag hilingin din natin sa Diyos na pagalingin tayo sa ating espiritwal na pagkabulag.  Sa panahon natin ngayon, na tila nagiging manhid na tayo sa nababalitaang patayan araw-araw, at tinatanggap na ito bilang epektibong solusyon para masawata ang droga at maging drug free nation ang ating bansa – matindi ang pangangailangan natin ng kaliwanagan ng puso’t isipan na nagmumula sa Banal na Espiritu.  Ito nga kaya ang kalooban ng Diyos?  Na lipulin na lamang ang masasamang taong sangkot sa droga, dahil wala na silang pag-asang magbago? Sa gitna ng mainit na usapin ukol sa extra-judicial killings o summary killings ng mga pinahihinalaang drug addicts, pushers, magnanakaw at iba pang nagkasala sa lipunan – tunay na nakakabahala at nakapangingilabot ang nababalitaan nating patayan araw-araw.  Lalo pa, kung tinatanggap na natin ito bilang new normal.  Dahil ito na lagi ang laman ng mga balita sa media, marami sa atin ang nagiging manhid na sa nagaganap na patayan sa ating bansa.  Hindi na tayo naaapektuhan!  Ni hindi na nagrereact na masama ang pumatay at labag ito sa utos ng Diyos.  Marami na ang sang-ayon sa kalakarang ito, sa pagnanais na maibsan ang kriminalidad at karahasang dulot ng droga.  Ang iba naman, nagkikibit balikat na lamang at nagsasabing buti pa ngang mawala na sila sa mundo, dahil salot sila ng lipunan.  Nasaan na ang ating pananampalataya sa Diyos na nagbigay sa atin ng buhay, at tanging may karapatan na bumawi ng ating buhay?  Panginoon, nagsusumamo po kami na mabuksan ang mata ng aming pananampalataya, na pahalagahan ang buhay ng tao mula sa sinapupunan hanggang kamatayan. Tulungan Mo po ang aming bansa na malagpasan ang pinagdadaang pagsubok…  Amen.