Daughters of Saint Paul

Hunyo 23, 2025 – Lunes | Ika 12- Linggo ng Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Mateo 7, 1-5

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: Huwag humatol at hindi kayo hahatulan, kung paanong humatol sa iyong kapwa. Gayundin naman kayo hahatulan at susukatin kayo sa sukatang ginamit nyo. Bat mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid at hindi mo pansin ang troso sa iyong mata. Paano masasabi sa iyong kapatid, halika’t aalisin ko ang puwing sa iyong mata. Mapagkunwari, alisin mo muna ang troso sa iyong mata at saka mo makikita kong paano aalisin ang puwing sa mata ng iyong kapatid.

Pagninilay:

Kapanalig, bakit kaya ayaw ni Jesus na maging mapanghusga tayo sa isa’t isa? Sabi Niya sa Mabuting Balita ngayon, “Huwag kayong humatol upang di kayo hatulan; sapagkat kung paano Ninyo hinahatulan ang iba ay gayundin kayo hahatulan, at ang inyong panukat ay siya ring ipanunukat sa inyo.” Ibig bang sabihin nito ay kapag mababa lamang ang ating panukat, ay gayon din lang ang panukat na gagamitin sa atin ni Jesus sa huling araw? Kung hindi ba natin hinahatulan ang ating kapwa, hindi na rin tayo hahatulan ng Diyos sa muling pagkabuhay?

Kapanalig, ang kasagutan marahil dito ay matatagpuan natin sa mga sumusunod na talata. Kadalasan kasi mas napapansin natin ang kamalian ng iba subalit bulag o nagbubulag-bulagan tayo sa ating sariling mga pagkakamali. Ang iba kasi sa atin ay mabilis pumuna sa mali ng kapwa subalit kapag ang mali niya ang pinuna ay galit pa. Nang pumasok ako sa kumbento ay natanto ko na hindi ko pala kailangang hintayin na maging perpektong tao ako upang pumuna ng mali ng aking kapwa. Kasi hindi naman talaga ako magiging perfect dito sa lupa. Kaya pala tayo binigyan ng Diyos ng mga kasama sa bahay o community upang tulungan ang isa’t isa na makita at maitama ang ating mga pagkakamali nang hindi tayo malihis sa tamang landas. Salamin tayo ng isa’t sa kaya mahalagang maging bukas ang ating isip at puso sa pagtanggap ng fraternal correction dahil kung minsan hindi tayo aware sa ating masamang ugali. Sa bukas na pagtanggap ng fraternal correction ay lumalawak ang ating self-awareness at maaga nating naitutuwid ang ating pagkakamali.