Daughters of Saint Paul

Hunyo 25, 2025 – Miyerkules | Ika 12- Linggo ng Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Mt 7:15–20

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat sa mga bulaang propeta na lumalapit sa inyo na parang mga tupa pero mababagsik na mga lobo naman sa loob. Makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga. Makapipitas ba ng ubas sa tinikan o ng igos sa dawagan? Namumunga ng mabuti ang mabuting puno, at namumunga naman ng masama ang masamang puno. Hindi makapamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno naman ay hindi makapamumunga ng mabuti. Pinuputol ang anumang puno na hindi namumunga ng mabuting bunga at itinatapon sa apoy. Kaya makikilala ninyo sila sa kanilang bunga.”

Pagninilay:

May clinic na ba kayong napuntahan na ang medical practitioner ay masigasig na magreseta ng gamot kahit hindi kinakausap ang pasyente? May kakilala ba kayong isang guro na madaling makuha ang grades ng mga bata mula sa mamahaling regalo ng mga parents? Alam kong marami rin ang nag-iisip sa atin kung talagang magiging tapat sa mga plataporma ang mga nailuklok nating public officials. Sino ang propeta? Ayon sa turo ng ating Simbahan, ang propeta ay matatag na naninindigan sa katotohanan, gumagabay sa kapwa at hindi kumikilos para sa pansariling kapakinabangan. Hindi lang nagsasalita kundi mula sa tinig ng Diyos ang binibigkas. Isinasabuhay kung ano ang kanilang sinasabi. Taglay rin nila ang pananampalataya sa Diyos, tunay na nananalangin, makatarungan, at madamayin. Lubos-lubos maglingkod at never na naghihintay ng anumang kapalit. Kung tutuusin, propeta tayong lahat. Tayong mga binyagan, nananalaytay sa ating kalooban ang pagiging propeta. Kaya, hindi tayo dapat magturuan kung sino ang gagawa, sino ang magsasalita, kung sino ang mag-iisip ng tama. Hindi rin tayo dapat manloko. Tayo ang inaasahang mag-initiate ng mga bagay na sa ordinaryo nating pamumuhay, pinagkakatiwalaan tayo ng mapagmahal nating Diyos. Kaya maging doktor man, teacher, public servant, lawyer, pari, businessman, kaming mga consecrated persons, driver, film director. Tayong lahat ang mga panibagong propeta ngayon. Kaya iwasan natin na maging bulaang propeta. Hindi tama ang maging fake prophets. Nambibiktima, nanlilito, nagpapahirap. Baka magboomerang ito sa atin. Sa palagay natin, sino ang magiging kaawa-awa?