Ebanghelyo: Lucas 15: 3-7
Sinabi ni Hesus sa mga Pariseo at mga guro ng batas, ang talinghagang ito sa kanila “Kung may isandaang tupa ang isa sa inyo at mawala ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang para hanapin ang nawawala hanggang matagpuan niya ito? At pag natagpuang ito’y masaya niya itong pipasan sa balikat. At pagdating sa bahay ay tatawagin niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko na ang nawawala kong tupa!’ Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon din ng higit na kagalakan sa Langit para sa isang makasalanang nagsisisi, kaysa sa siyamnapu’t siyam na matuwid na di nangangailangan ng pagsisi.”
Pagninilay:
Kung babalik tayo sa paglikha ng Diyos sa daigdig at sa lahat ng kanyang mga nilalang dito sa lupa, walang kapantay ang pagpapahalagang ibinigay ng Diyos sa tao. Para sa kanya, ang tao ang higit sa lahat. Tao ang taluktok o korona ng lahat niyang nilikha. Katunayan, pagkatapos na likhain ng Diyos ang tao, saka lamang siya huminto at nagpahinga sa ika-pitong araw. Pinagmasdan niya sina Eba’t Adan at lubha siyang nalugod sa kanyang nakita. At kahit sinuway ng mga taong ito ang utos ng Diyos, hindi niya pinabayaan ang dalawang ito. Binigyan niya ng mga dahon para sa kanilang kasuotan, may sapat silang pagkain at inumin, at binigyan sila ng tungkuling magbigay ng pangalan sa lahat ng nilikha ng Diyos. Sila pa rin ang kanyang naging katiwala sa kabila ng kanilang pagkakamali.
Ipinadala ng Ama ang kanyang Anak dito sa ating daigdig para ipaalala sa sanlibutan na mayroong Panginoon na nagmamahal sa tao. Tinawag niya ang tao na magbalik sa kanya pagkatapos na maligaw at magkasala. Ngunit sa halip na pakinggan ang panawagan ng kanyang Anak, pinatay ng tao si Hesus at ipinako siya sa krus. Magkagayon man, minahal ni Hesus ang tao hanggang sa dulo ng kanyang buhay dito sa lupa. At sa kabila ng karima-rimarim na ginawa ng tao laban sa kanya, pinatawad niya ang tao at patuloy niya tayong minamahal. Minamahal niya tayo kahit ikaw ang nag-iisang tao dito sa daigdig. Hindi siya manghihinayang na iaalay ang kanyang buhay para sa iyo. Sa sandaang tupa na mayroon ang Mabuting Pastol, nakahanda siyang iwan ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang nawawalang isang tupa. Sa aritmetik ng mundo, maari nang kalimutan ang isa alang-alang sa siyamnapu’t siyam. Ngunit hindi ganito ang aritmetik ng Diyos. Para sa kanya, kapag nawala ang isa, nawala na rin ang lahat sa kanya. Ganyang ka-importante ang bawat isa para sa Diyos. Tayo lamang tao kung minsan mababa ang tingin sa ating sarili. Makasalanan ako. Mapapatawad pa ba ako? O di kaya’y mahirap akong tao. Mangmang. Walang maipagmamalaki. Kapag tumitingin ang Diyos sa tao, hindi siya tumutulad sa atin na mapanuri o mapang-husga. Punung-puno siya ng pag-ibig para sa atin kahit na tayo’y nasa kadiliman o pagkakasala. Hinihimok niya tayong lumabas sa pinagtataguan nating kuweba ng takot o galit sa sarili at sa kapwa upang matanggap natin ang bahong buhay na hangad ng Diyos para sa atin.
Sa Kalbaryo, kahit ipinako ang kanyang mga palad at mga paa sa krus at sinibat si Hesus sa tagiliran, hindi pa rin napigilan ang Anak ng Diyos na patuloy na maghayag ng kanyang pagpapatawad at pagmamahal para sa ating mga makasalanan. Bumulwak ang masaganang tubig at dugo mula sa kanyang tagiliran na naging bukal ng grasya at pagpapala para sa ating lahat. Sa sakramento ng binyag at eukaristiya, tinatanggap natin ang bagong buhay na alok ni Hesus para sa atin. Gayon din sa iba pang mga sakramento katulad ng Sakramento ng Kumpisal, patuloy ang daloy ng biyaya ng buhay na umagos mula sa ginawang sakripisyo ni Hesus sa Krus.
Panginoon, turuan mo po kaming magpahalaga sa pitong sakramento ng Simbahan. Maging mapagpasalamat po sana kami tuwina sa mga biyayang patuloy mong pinapadaloy sa aming buhay. Amen.