Ebanghelyo: Mateo 16:13–19
Pumunta noon si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.” “Ngunit sino ako para sa inyo?” “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.”
.
Pagninilay:
Mahilig ka rin bang pumunta sa mga matataas na gusali o yung mga skyscrapers? Tunay ngang nakakamangha ang tanawin mula sa itaas ng mga gusaling ito. Subalit kung tutuusin mas nakakamangaha kung paano naitayo at nanatiling matibay ang mga ito. Sinasabi na lahat ay nakasalalay sa pagkakalatag ng pundasyon. Dito nakikita kung gaano katatag at tatagal ang isang istruktura.
Sa araw na ito, ginugunita natin ang sinasabing dalawang haligi ng simbahan na itinatag ni Kristo, sina Apostol San Pedro at San Pablo. Narinig natin ating Ebanghelyo ang confession ni Pedro kay Hesus bilang Mesiyas. At pagkatapos, dito sinasabing ipinagkatiwala ni Hesus ang pamamahala sa kanyang Simbahan. Nababanaag ang katotohanang ito sa pangalang ibinigay ni Hesus kay Simon na tinawag na Pedro. Mula sa pangalang Cephas na ang ibig sabihin ay bato. Kaya sinabi ni Hesus, sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan. Alam nating hindi literal ang ibig sabihin ni Hesus dito. Mula sa katauhan at pagiging Apostol ni Pedro, dito matatayo sa simbahan. Kasamang ibinigay kay Pedro ang kapangyarihan na magpatawad at magbulid ng kasalanan at ang susi sa kaharian ng langit.
Sa kabilang banda, makikita natin si San Pablo na unang nakilala bilang Saul. Isang relihiyosong Hudyo, na sa kanyang pagmamahal sa kabanalan, inusig niya ang unang mga taga-sunod ni Kristo. Subalit nagpakita sa kanya si Hesus sa daan patungong Damasco. Ang tagpo na ito ang nagdulot sa kanyang conversion o metanoia. Mula noon, naging masigasig na Apostol si San Pablo sa mga Hentil at nagtatag siya ng mga unang komunidad ng mga Kristiyano. Malaking bahagi din ng Bagong Tipan ang isinulat ni San Pablo sa kanyang mga komunidad at kaibigan sa pananampalataya. Sa araw na ito, ipinagdirwang natin ang dalawang haliging ito ng ating Simbahan at pananampalataya na pagkalipas ng maraming siglo ay nananatili at patuloy na nagbibigay liwanag sa buong mundo.