Daughters of Saint Paul

Hunyo 30, 2025- Lunes | Ika 12- Linggo ng Karaniwang Panahon

Ebanghelyo:  Mt 8:18–22

Nang makita ni Jesus ang maraming taong nakapaligid sa kanya, iniutos niyang tumawid sa kabilang ibayo. May lumapit sa kanya na isang guro ng Batas na nagsabi: “Panginoon, susunod ako sa iyo saan ka man pumunta.” Sinabi ni Jesus sa kanya: “May lungga ang asong-gubat, may pugad ang mga ibon, ngunit wala man lang mahigan ng kanyang ulo ang Anak ng Tao.” Isa pa sa mga alagad ang nagsabi sa kanya: “Panginoon, pauwiin mo muna ako para mailibing ko ang aking ama.” Ngunit sinagot siya ni Jesus: “Sumunod ka sa akin, at bayaan mong ilibing ng patay ang kanilang patay.”

Pagninilay:

Sa Ebanghelyong ating narinig, matapos mamangha ang mga tao sa taglay na karunungan ni Hesus, sa pamamagitan ng kanyang mga turo; at matapos din nilang masaksihan ang mga pagpapagaling niya sa isang ketongin, sa mga may malulubhang karamdaman, pagpapalayas sa mga demonyo, at iba pang milagro, nais pa nilang makakita ng iba pang gagawin ni Hesus. Ito ang dahilan kaya’t sa ating Ebanghelyo ngayon ay sinusundan pa rin nila siya. Napasabi pa nga ang isa: “Guro, susunod po ako sa inyo kahit saan kayo magpunta.”

Ngunit alam ni Hesus ang laman ng kanilang mga puso. Alam niyang hanap nila’y milagro at hindi ang pagsunod sa kanyang mga utos at turo. Hanggang paghanga lamang ang kaya nilang gawin. Hindi sila handa na ibigay ang kanilang buong sarili sa pagsunod sa Kanya.

Ang pagkamangha sa mga biyaya ng Diyos ay isang unang hakbang sa pagbabago. Dapat tayong itulak nito patungo sa pagiging mabuting tao. Dapat tayong itulak nito para tumulong din sa iba o gawing isang makabuluhan ang mundong ito. At higit sa lahat, dalhin nawa tayo ng pagkamangha natin kay Hesus sa pagtulad at pagsunod natin sa Kanya. Manalangin tayo. Panginoon, mamangha nawa ako sa iyong walang hanggang kabutihan, at dalhin nawa ako nito sa pagtulad sa’yo. Amen.