Lk 19:41 – 44
Nang malapit na siya sa Jerusalem at kita na ang lunsod, iniyakan ito ni Jesus: “Kung nalalaman mo lamang sana sa araw na ito ang daan sa kapayapaan! Ngunit ngayo'y hindi mo ito nakikita. Sasapit sa iyo ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, kukubkubin ka at sisikilin sa lahat ng dako. Iguguho ka nila sa iyong mga anak, at walang iiwang magkapatong na bato sa iyo. Sapagkat hindi mo nalaman ang panahon ni ang pagdalaw ng iyong Diyos.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, sa gitna ng sigla at ingay ng mga tao sa pagdating ni Jesus sa Jerusalem, napaiyak siya nang makita niya ang bayan. Hindi siya napaiyak dahil sa nagbabantang panganib sa Kanya. Napaiyak siya dahil kalunus-lunos ang sasapitin ng Jerusalem. Iba’t iba ang impresyon ng mga tao kay Jesus. Para sa marami, siya ang Mesiyas na magliligtas sa kanila sa pananakop ng mga dayuhan. Samantalang para sa mga Pariseo, isa siyang banta na maaaring humimok sa mga taong mag-aklas laban sa mga Romano. Alam ng mga Pariseo na kapag nangyari iyon, lahat sila’y mapapahamak dahil walang kakayahan ang mga Judiong talunin ang mga mananakop. Kaya’t binalak nilang “isakripisyo” si Jesus upang maiwasan ang pagdanak ng dugo. Para sa kanila, iisa ang kanilang adhikain: ang makamit ang kapayapaan sa pamamagitan ng solusyong pulitikal. Pero ibang kapayapaan ang hatid ni Jesus, at ito ang kapayapaan ng Diyos. Kapayapaan na makakamit lamang sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Pero iisang kapayapaan lamang ang alam ng Jerusalem, at ito’y paraang pulitikal at pananatili ng kasalukuyang kalagayan. Sayang nga lamang at ang Jerusalem, na ang ibig sabihin “larawan ng kapayapaan”, hindi kumilala sa kapayapaang hatid ni Jesus. At ipinako nga nila sa krus ang Prinsipe ng Kapayapaan. Paglipas ng ilang panahon, ang bayang iniyakan ni Jesus, winasak ng mga Romano. Kapatid, sa buhay mo ngayon, masasabi mo bang mapayapa ang iyong buhay? O puno ng pagkabalisa dahil sa maraming alalahaning gumugulo sa’yong isipan – obligasyong dapat gampanan, utang na dapat bayaran, pangangailangan sa pamilya na dapat matugunan, at marami pang iba. Nalalaman ng Diyos ang lahat ng pangangailangan mong ito. Kailangan lamang ang marubdob mong pagtitiwala sa Kanyang walang hanggang awa at kagandahang-loob. Panginoon, patatagin Mo po ang aking pananampalataya nang huwag akong daigin ng sobrang pagkabalisa. Amen.