Ebanghelyo: MATEO 8, 28-34
Pagdating ni Jesus sa lupain ng Gadara sa kabilang ibayo, sinalubong siya ng dalawang lalaking inaalihan ng demonyo, na galing sa libingan. Napakabangis nila kaya’t walang makadaan doon. Bigla silang sumigaw: “Ano ang kailangan mo sa amin, ikaw na Anak ng Diyos! Pumarito ka ba para pahirapan kami bago sumapit ang panahon?” Sa may di kalayua’y maraming baboy na nanginginain. Kaya hiniling sa kanya ng mga demonyo: “Kung palalayasin mo kami, ipadala mo kami sa mga baboy.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Umalis kayo.” Kaya pagkalayas ng mga demonyo’y pumasok ang mga ito sa mga baboy—at hayun! Nahulog sa bangin ang lahat ng baboy papuntang dagat, at nalunod na lahat. Tumakas naman ang mga nagbabantay sa mga baboy. Pagdating nila sa bayan, ipinamalita nila ang lahat at kung ano ang nangyari sa mga inaalihan ng demonyo. Kaya lumabas ang buong bayan para salubungin si Jesus; at pagkakita nila sa kanya, hiniling nilang umalis siya sa kanilang lugar.
Pagninilay:
Mabuti pa ang mga demonyo nakilala si Jesus. Ang mga tao, hindi! Kaya nang mabalitaan nila ang nangyari sa mga baboy, mas pinili pa nilang paalisin na lang si Jesus. Kung iisipin dapat nga magpasalamat sila kay Jesus dahil napalayas niya ang mga demonyo at napagaling ang dalawang inaalihan nito. Kaya lang malaking halaga rin ang nawala sa mga may ari ng mga baboy na nalunod. Kung susuriin natin ang mundong ginagalawan natin marami ang katulad ng mga tao sa Mabuting Balita ngayon. Ilang beses na ba nating pinaalis si Jesus dahil sagabal ang kanyang mga turo sa mabilisang pag-angat natin sa buhay? Nakakakonsensya kasing tawaging Kristiyano pero nangungurakot sa kaban ng bayan, o nandaraya sa negosyo o hindi nagbibigay ng tamang sahod sa mga manggagawa. Kapanalig totoong mahirap panindigan ang pagsunod kay Jesus. Kadalasan kailangan nating mag-sakripisyo, magpigil ng sarili at mamatay nang paulit-ulit sa makamundong pagnanasa upang manatiling malinis at karapat-dapat tawaging tagasunod ni Jesus. Mahirap pero posible sa tulong ng grasya ng Diyos. At ang kapalit nito ay buhay na walang hanggan.