Lk 20:27-40
Lumapit ang ilang Sadduseo na mga taong tutol sa pagkabuhay. At itinanong nila kay Jesus: “Guro, isinulat ni Moises para sa amin: 'Kung may magkakapatid na lalaki at mamatay na walang anak ang isa sa kanila, kailangang kunin ng kanyang kapatid ang kanyang asawa para magpasibol ng supling sa kanyang kapatid.' Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. Kinuha ng pangalawa ang biyuda, at pagkatapos ay ng pangatlo naman, pero hindi nagkaanak ang pito. Namatay sila at sa bandang huli'y namatay rin ang babae. Sa pagkabuhay, kanino sa pito siya maituturing na asawa? Ang pito nga ang umangkin sa kanya.”
Sinagot sila ni Jesus: “Nag-aasawa ang mga taong nasa daigdig na ito, lalaki man o babae. Ngunit hindi na mag-aasawa ang mga ituturing na karadat-dapat sa kabilang-buhay at sa pagkabuhay ng mga patay, lalaki man o babae. Hindi na nga sila mamamatay. Kapantay na sila ng mga anghel at mga anak sila ng Diyos matapos silang ibangon. Tiyak na may pagkabuhay ng mga patay: ipinahiwatig ito kahit na ni Moises sa kabanata ng palumpong nang tawagin niyang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob ang Panginoon. Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, at buhay na kasama niya silang lahat.”
Nagsalita ang ilang guro ng Batas: “Guro, talaga ngang tama ang iyong sinabi.” Mula noo'y wala nang nangahas na magtanong pa sa kanya.
PAGNINILAY
Bahagi ng ating pananampalatayang Kristiyano ang pagtanggap sa muling pagkabuhay ng mga patay. Hindi katulad ng mga Sadduseo na ginawang katawa-tawa ang kalagayan sa muling pagkabuhay dahil hindi nila ito lubos na nauunawaan. Sa Ebanghelyong ating narinig, ipinakita ni Jesus ang katangian ng mga karapat-dapat sa Kaharian ng Langit: hindi mamamatay, katulad ng mga anghel, at mga anak ng Diyos ang turing sa kanila. Samakatwid, hindi na ito tulad ng kalagayan natin dito sa lupa. Doon sa Langit lahat pantay-pantay wala nang pagkakaiba, at hindi na kailangan ang natatanging relasyon ng pamilya, dahil ang lahat pinagbubuklod at pinag-iisa ng pag-ibig ng Diyos. Kapatid, tingnan mo ang iyong sarili, paano mo pinaghahandaan ang muling pagkabuhay mo sa Langit? Manalangin tayo. Panginoon, itulot Mo pong pakabanalin ko ang bawat sandali ng aking buhay na hindi na kailanman babalik. Iadya Mo po ako sa mabibigat na kasalanan nang makasalo ako sa Iyong buhay na walang hanggan. Amen.