Ebanghelyo: Lucas 9: 28:36
Isinama ni Jesus sina Pedro, Juan at Jaime at umahon sa bundok para manalangin. At habang siya’y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha at puting-puting nagniningning ang kanyang damit. May dalawang lalaki ring nakikipag-usap sa kanya, sina Moises at Elias. Napakita sila sa kaluwalhatian at pinag-uusapan nila ang paglisan ni Jesus na malapit nang maganap sa Jerusalem. Antok na antok naman si Pedro at ang kanyang mga kasama pero pagkagising nila, nakita nila ang kanyang kaluwalhatian at ang dalawang lalaking nakatayong kasama niya. Nang papalayo na iyon kay Jesus, sinabi ni Pedro sa kanya: “Guro, mabuti at narito tayo; gagawa kami ng tatlong kubol, isa sa iyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Nagsasalita pa siya nang may ulap na lumimlim sa kanila at natakot sila pagpasok nila sa ulap. At narinig mula sa ulap ang salitang ito: “Ito ang aking Anak, ang Hinirang; pakinggan n’yo siya.” Pagkasalita ng tinig, nag-iisang nakita si Jesus. Nang mga araw na iyon, sinarili nila ito at walang sinabi kaninuman tungkol sa nakita nila.
Pagninilay:
Napakalaking pagsubok para kay Jesus ang sasapitin niyang pagpapakasakit at kamatayan sa lunsod ng Jerusalem. Pagkatapos niyang mangaral sa madla at mag-pagaling sa mga maysakit sa loob ng tatlong taon, humantong siya sa sangandaan ng kanyang buhay. Tatalikuran ba niya ang hamong ito, o susuungin niya ng buo sa kanyang kalooban? Katatapos lang niyang magpahayag sa mga apostol tungkol sa sasapitin niyang pagpapakasakit at kamatayan. Dala-dala rin ni Jesus sa kanyang dibdib ang alalahanin ukol sa kanyang mga alagad. Sa kanyang pagpanaw sa mundo, paano haharapin ng kanyang mga apostol ang bukas? Mananatili ba silang mananam-palataya sa Diyos? O tuluyang magigiba ang kanilang pananalig sa kanya?
Umakyat sa bundok ng Tabor si Jesus at isinama niya sina Pedro, Santiago at Juan. Ang bundok ay karaniwang lugar kung saan kinakatagpo ng Diyos ang kanyang bayan. Umakyat sa bundok si Moises para tanggapin ang Sampung Utos ng Diyos. Gayon din si Elias na umakyat sa Bundok ng Horeb para tumanggap ng paggabay sa Diyos. Habang nananalangin si Jesus biglang sumulpot sa kanyang magkabilang tabi sina Moises at Elias, na kapwa matagal nang namatay. Hindi ba patunay ito na bagama’t namatay ang tao sa mundo, nananatili naman silang buhay sa piling ng Diyos?
Kinausap nina Moises at Elias si Jesus at malamang pinalakas nila ang loob ni Jesus at sinabi sa kanya na ang sasapitin niyang paghihirap ay hahantong sa tagumpay. Nagningning ang buong katawan ni Jesus pati na rin ang kanyang kasuotan. Kakaibang kaningningan ang napagmasdan ng mga apostol nang maalimpungatan sila mula sa mahimbing nilang tulog.
Dito ipinapakita na si Jesus ang katuparan nina Moises na taga-dala ng Batas at ni Elias na pinakadakilang propeta. Hindi kapantay si Jesus ng dalawang taong ito mula sa Bibliya. Ayon sa tinig na narinig ng mga alagad, si Jesus ang kinalulugdang anak ng Diyos Ama. Hinikayat silang pakinggan siya.
Ang kaningningan ni Jesus nang siya’y magbagong-anyo ay hindi galing sa labas na liwanag kundi nagmula sa loob ng kanyang buong pagkatao habang kaugnay niya ang Ama sa panalangin. Sa karaniwang salita, may sinasabi tayong “aura of holiness” kung tayo rin ay nananalangin. Napapansin din ng ating kapwa kung tayo’y nagkakaroon ng magandang pagbabago. Hindi ito praktisado o gawa-gawa lamang. Bumubukal ito sa tunay at tapat na ugnayan natin sa Diyos. Nagiging mahinahon tayo, banayad kumilos, at malumanay magsalita.
Nataranta si Pedro at nais niyang magtayo ng tatlong kubol. Ibig niyang manatili sa itaas ng bundok at patuloy na masilayan ang kaningningan ni Jesus. Gagabayan siya ni Jesus at tuturuan siya na huwag mahirati sa magandang pakiramdam at sa halip ay matutong harapin ang mga darating na pagsubok sa buhay. Isinama siya ni Jesus sa bundok – hindi lamang para ipakita ang kaluwalhatian kundi para bigyan siya ng lakas ng loob na harapin ang mga darating na pagsubok.
Panginoon, salamat po at ipinasilip mo sa mga apostol ang iyong kaluwalhatian at tagumpay. Panghawakan po nawa namin ito para ngayon pa lamang ay magkaroon na ng pagbabago ang aming pananaw sa mga pagsubok ng buhay.