Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 8, 2025 – Biyernes | Paggunita kay Santo Domingo de Guzman, pari

Ebanghelyo: Mateo 16,24-28

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang mawawalan nito. Ngunit ang naghahangad ng mawalan nito ang makakatagpo nito. Ano ang Pakinabang ng tao, tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawawala. Sa ano maipagpapalit ng tao ang kanyang sarili. Darating nga ang anak ng tao taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama at kasama rin ang kanyang banal na Anghel. At doon niya gagantimpalaan ang bawat isa, ayon sa kanyang mga gawa. Totoong sinasabi ko sa inyo, na makikita ng ilan sa inyo ang Anak ng Tao na dumarating bilang Hari, bago sila mamatay.

Pagninilay:

Nakaranas ka na ba ng matinding pagsubok na ang feeling mo, nais mo nang bumigay? Kapanalig, bahagi ‘yan ng ating buhay-Kristiyano. Ano nga ba ang kahulugan ng pagiging isang Kristyano? Sa simula pa, nais ng Diyos na ipadama ang Kanyang pagmamahal sa ating lahat. Pero ang pagmamahal ay laging may kaakibat na sakripisyo. Ito ang ipinamalas sa atin ni Hesus, sa pagbibigay ng Kanyang sarili upang tubusin tayong lahat sa sala.

Kaya, iniutos ni Hesus: “Magmahalan kayo tulad ng pagmamahal ko sa inyo.” Nguni’t marami ang may tendency na gamitin ang kapwa, lalo na ang mga mahihina at dukha, para sa sariling kapakanan. Taliwas ito sa panawagan ng Panginoon na nagsabing: “Sumunod kayo sa akin.” Ang sinumang nais na sumunod sa Kanya ay buong pusong nagmamahal at tinatanggap ang krus na kaakibat nito. Walang pagmamahal kung walang sakripisyo, kung walang krus…

Sinabi ni Hesus: “Kung may ibig sumunod sa akin, talikdan niya ang kanyang sarili, pasanin niya ang kanyang krus at ako’y sundan.” Nakagandang isipin, na patuloy tayong tinatawag ng Diyos na sumunod sa kanya. Opo, mahirap magpasan ng krus, nguni’t kung nagtitiwala tayo kay Hesus, Siya ang ating lakas at pinagmumulan ng pag-asa. Sana po, lagi nating alalahanin, gaano man kahirap ang magmahal at gaano man kabigat ang ating krus, magiging magaan ito, kung nagtitiwala tayo na kasama natin si Hesus.

Manalangin tayo: Panginoon, tulungan Mo kaming maging matatag sa pagnanais na sundan Ka, ayon sa Iyong kalooban. Amen.