Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 5, 2025 – Martes ng Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) | Paggunita sa Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan ng Mahal na Birheng Maria sa Roma

Ebanghelyo: Mateo 14,22-36

Pinasakay ni Hesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkaalis ng mga tao, mag-isa siyang pumunta sa kaburulan para manalangin. Nag-iisa siya roon nang gumabi. Samantala, malayo na sa lupa ang bangka, sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat ang hangin. Nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Hesus na naglalakad sa dagat. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, natakot sila, at akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Ngunit agad niyang sinabi sa kanila: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” Sumagot si Pedro: “Panginoon, kung ikaw nga, papuntahin mo ako sa iyo na naglalakad sa tubig.” “Halika.” Bumaba naman sa bangka si Pedro at naglakad sa tubig papunta kay Hesus. Ngunit natakot siya sa harap ng malakas na hangin at lumulubog na. Kaya sumigaw siya: “Panginoon, iligtas mo ako!” Agad na iniunat ni Hesus ang kanyang kamay at hinawakan siya, at sinabi: “Taong kakaunti ang pananampalataya, bakit ka nag-aalinlangan?” Nang nakasakay na sila sa bangka, tumigil ang hangin. At yumuko sa harap ni Hesus ang mga nasa bangka at sinabi: “Totoo ngang ikaw ang Anak ng Diyos!” Pagkatawid nila, dumating sila sa pampang ng Genesaret. Nakilala si Hesus ng mga tagaroon at ipinamalita nila sa buong kapaligiran. Kaya dinala nila sa kanya ang mga maysakit. May nakiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.

Pagninilay:

Nagkagulo, nataranta ang mga alagad. Ni isa sa kanila ay walang nakaalalang humingi ng tulong sa Diyos. Naka-focus lang sila sa malalakas na alon at hangin. Nang dumating si Jesus at naglakad sa ibabaw ng tubig, lalo silang nanginig. Ngunit sinabi ni Jesus, “Lakasan ninyo ang inyong loob; ako ito, huwag kayong matakot.”

Pagkagaling sa eskwela, sa palengke na ang tuloy ni Nina at ng kanyang kapatid na si Biboy para tulungan ang kanilang lola sa pagtitinda ng gulay. Hiwalay na ang kanilang mga magulang. Domestic helper ang kanilang Nanay sa Hongkong pero madalas, kapos pa rin ang kanilang budget. Hindi sila makasama sa field trips, o makasali sa ibang activities dahil walang pambili ng costume. Minsan, nagkasakit ang kanilang lola at kinailangan nilang mag-absent para halinhinan ang magkapatid na magbantay sa ospital. Sa kabila ng lahat ng ito, wala silang absent sa pagsimba tuwing Linggo. Nagrorosaryo rin sila bago matulog. Sabi ni Nina: “Paalala lagi ni Lola, kay Jesus lamang kami kakapit, kay Jesus lamang kami mananalig. Kasama namin si Jesus sa lahat ng ito; hindi Niya kami pababayaan.”

Ngayon, isa nang teacher si Nina at next year magtatapos na rin sa kolehiyo si Biboy. Magkakasama na sila ng kanilang Nanay na nag-retire na rin. Inaalagaan nila ang kanilng lola at kahit naka-wheelchair na ito, wala pa rin silang absent sa pagsisimba tuwing Linggo. Mga kapanalig, sa gitna ng mga hamon at unos ng buhay, ituon natin ang paningin kay Jesus. Hindi Niya tayo pababayan, hindi Niya tayo bibitawan. Manalig. Magtiwala. Umasa. Kasama natin siya tuwina.