Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 1, 2025 – Biyernes, Paggunita kay San Alfonso Maria ng Ligouri, obispo at pantas ng Simbahan

Ebanghelyo: Mateo 13,54-58

Pumunta si Jesus sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Saan kaya galing ang kanyang karunungan at natatanging kapangyarihan? Hindi ba’t siya ang anak ng karpintero? Hindi ba’t si Maria ang kanyang ina at sina Jose, Jaime, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid? Hindi ba’t narito sa piling natin ang kanyang mga kapatid na babae? Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito?” At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At kaunti lamang ang kanyang ginawang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya.

Pagninilay:

Nakasimba ka na ba sa Baclaran? O nakapag-nobena sa Mahal na Ina ng Laging Saklolo? Napakaraming mga biyaya na po ang natanggap natin sa debosyong ito na ipinalaganap ng mga paring Redemptorista, o mula sa Congregation of the Most Holy Redeemer. Ipinagdiriwang natin ngayon ang kapistahan ng kanilang founder na si San Alfonso Maria Liguori. Inilarawan ni St. Pope John Paul II si San Alfonso na “isang misyonero na naghanap ng pinaka-napabayaang mga tao upang matulungan sila … isang tagapagtatag ng grupong may radical option para sa mga maralita … isang Obispo na bukas ang bahay para sa lahat … isang manunulat na binigyang-diin kung ano ang magiging kapakipakinabang sa mga tao.”

Pero alam n’yo ba na hindi siya laging tinanggap ng mga taong minahal niya at gusto niyang tulungan? Sa katunayan, napakatalino niya at naging mahusay na abogado siya. Pero hindi niya naipanalo ang isang importanteng kaso, at narinig niya ang tawag ng Diyos na maging pari. Dahil dito tinalikuran siya ng kanyang pamilya. Paglipas ng panahon, hinirang siyang maging Obispo pero hindi siya matanggap ng mga miyembro ng samahang itinatag niya, at kalaunan ay pinaalis pa siya sa Kongregasyon.

Kapanalig, feeling mo ba rejected ka at walang saysay ang pagsisikap mo, lalo na sa mga taong malapit sa iyo? Alalahanin mo ang Ebanghelyo ngayon: “Sa kanyang sariling bayan lamang at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” Hindi lang yan. Sabi ni San Alfonso: “Ang mga pag-uusig ay parang hamog na nagyelo sa mga halaman sa panahon ng taglamig; imbes na wasakin o patayin, tinutulungan nitong mag-ugat nang malalim sa lupa, at gawin itong mas puno ng buhay at sigla.” Manalangin tayo: Ama sa Langit, bigyan mo kami ng biyaya na masundan si San Alfonso sa kanyang mapagmahal na pagmamalasakit para sa kaligtasan ng mga tao. Pagtibayin mo ang aming loob sa harap ng pag-uusig nang sa gayon ay makibahagi kami sa kanyang gantimpala sa langit. Amen.