Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 3, 2025 – Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Ebanghelyo: Lucas 12,13-21

Sinabi kay Hesus ng isa sa karamihan: “Guro, sabihin mo nga sa aking kapatid na hatian ako ng mana.” Ngunit sinabi ni Hesus sa kanya: “Kaibigan, sino ang nagtalaga sa akin bilang hukom o tagapaghati ninyo? “At sinabi niya sa mga tao: “Mag-ingat kayo at iwasan ang bawat uri ng kasakiman sapagkat magkaroon man ng marami ang tao, hindi sa kanyang mga ari-arian nakasalalay ang kanyang buhay.” At idinagdag pa ni Hesus ang isang talinhaga: “May isang taong mayaman na maraming tinubo sa kanyang lupain. Kaya nag-isip-isip siya: ‘Ano ang aking gagawin? Wala man lang akong mapagtipunan ng aking ani.’ At sinabi niya: ‘Ito ang aking gagawin, gigibain ko ang aking mga bodega at magtatayo ako ng mas malalaki; doon ko titipunin ang lahat kong trigo at ang iba pa. At masasabi ko na sa aking sarili: Kaibigan, marami ka ng ari-ariang nakalaan para sa maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magsaya.’ Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos: ‘Hangal! Sa gabi ring ito, babawiin sa iyo ang iyong buhay. Mapapasakanino na ang iyong inihanda?’ Gayon din ang masasabi sa sinumang nag-iimpok ng yaman para sa kanyang sarili at walang tinitubo para sa Diyos.”

Pagninilay:

Matapos po akong ordinahan bilang diyakono, kinausap ako ng aking kaibigang pari. Aniya: “Ngayong naordinahan ka nang diyakono, at sa susunod magiging pari ka na, lagi mong tatandaan: ‘Walang paring namatay dahil sa gutom, pero maraming namamatay dahil nabulunan—dahil sakim!’”

Ngayong ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon ang focus po ng ating pagninilay ay ang maigting na paalala sa atin na huwag maging sakim. Nakakalungkot po sa ating lipunan talamak ang pagiging sakim—sa pera, sa lupa, sa mga ari-arian at kung anu-ano pang mga makamundong bagay. Pero narinig ba natin na sakim ‘yan maging mabuti? Naku sakim ‘yan kung magmahal. Parang off di po ba? Dahil ang totoo ang pagiging sakim ay taliwas o hindi naaayong disposisyon sa Kaharian ng Diyos.

Sa ating unang pagbasa narinig po natin sa libro ng Eccelsiastes: Walang kabuluhan ang mga bagay na lumilipas lamang. Sa Ikalawang pagbasa din ang paalala ni San Pablo: ang sana’y masumpungan natin ang mga bagay na makalangit. Sa ating Mabuting Balita naman, sa parabulang isinalaysay ni Hesus, inilarawan niyang hangal ang mayamang lalaki. Sa Lumang Tipan ang kahangalan ay nangangahulugang paglimot o pagtatwa sa Diyos. Kaya nga’t tunay na hangal nga naman ang taong nag-iimpok ng mga bagay na walang kabuluhan, lumilipas—at nakalimutan ang langit na tunay nating hantungan.

Mga kapanalig, ‘pag tayo raw ay namatay dalawang bagay lamang ang sasabihin sa atin ng Diyos sa tarangkahan ng langit: Una, “Halika tapat at mabuti kong lingkod, makisalo ka sa kagalakan at piging ko dito sa langit!” Ang ikalawa ay, “Sino ka? Hindi kita kilala. Nasaan ka nung hubad ako? Nasa piitan ako? Gutom ako? Uhaw ako?” Huwag nawa tayong lilisan sa mundong ito na hangal, dahil ang laging panawagan ng Panginoon ay tumulad sa kanya—ang maging banal. Amen.