Ebanghelyo: Lucas 10, 1-9
Humirang ang Panginoon ng iba pang pitumpu’t dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa kanya sa bawat bayan at lugar na takda niyang puntahan. Sinabi niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa; idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani. Lumakad na kayo. Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o mga sandalyas. At huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan. Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo: ‘Mapasatahanang ito ang kapayapaan!’ Kung mapayapang tao ang naroon, sasakanya ang inyong kapayapaan. Kung hindi’y magbabalik sa inyo ang inyong dasal. At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod. Huwag kayong magpapalit-palit ng bahay. Saanmang bayan kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin ninyo anumang ihain sa inyo. Pagalingin din ninyo ang mga maysakit doon at sabihin ninyo sa kanila: ‘Palapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos.’ Saanmang bayan kayo pumasok at di nila kayo tanggapin, lumabas kayo sa mga liwasan nito at ang inyong sabihin: ‘Pati na alikabok mula sa inyong bayan na kumapit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin sa inyo. Gayunman, alamin ninyong palapit na ang Kaharian ng Diyos.
Pagninilay:
Kapag may pinapadalang tauhan ang isang boss para gawin ang isang mahalagang trabaho, karaniwang may hinihintay siyang ulat pagbalik: Ilan ang naabot mo? Ilan ang nagta-gumpay? May resulta ba? Kasi sa mundo, ang sukatan ng tagumpay ay performance. Laging may bilang. Laging may review. Pero ibang-iba si Jesus sa Ebanghelyo natin ngayon. Bumalik ang pitumpu’t dalawa na may kasamang sigla at tuwa: “Panginoon, pati ang masasamang espiritu ay sumusunod sa amin sa ngalan Mo!” Tagumpay ito, at natural lang na ipagdiwang. Pero ang sagot ni Jesus ay hindi ang inaasahan: “Huwag diyan kayo magalak. Magalak kayo dahil ang inyong pangalan ay nakasulat sa langit.”
Hindi itinatanggi ni Jesus ang tagumpay, pero itinutuwid Niya ang pinanggagalingan ng ating tuwa. Hindi sa epekto, kundi sa ugnayan. Hindi sa dami ng bunga, kundi sa lalim ng pagmamahal ng Diyos sa atin. Ipinapaalala Niyang ang tunay na galak ay hindi nakasalalay sa tagumpay natin, kundi sa katotohanang kilala tayo ng Diyos, mahal tayo ng Diyos, at tayo ay sa Kanya.
Napakahalaga nitong paalala sa ating lahat—lalo na sa mga naglilingkod, nagtuturo, nagmimisyon, o simpleng pang-araw araw na pamumuhay bilang Kristiyano. Minsan, ang sukatan natin ay kung may papuri, kung may bunga, kung may impact. Pero paano kung wala? Paano kung tila walang nakapansin, walang nagpasalamat, o walang pagbabagong nakita? Hindi mo hawak ang resulta. Pero hawak mo ang iyong katapatan. At iyan ang mas mahalaga sa Diyos. Ang sukatan Niya ay hindi kung gaano karaming sumunod sa’yo, kundi kung gaano ka naging tapat sa Kanya.
Kaya kapanalig, kung napapagod ka, kung nagdududa ka kung may kabuluhan pa ba ang ginagawa mo, huwag mong kalimutan: ang pangalan mo ay nakasulat sa langit. Kilala ka Niya. Mahalaga ka sa Kanya. Hindi mo kailangang mapansin ng mundo para masabing matagumpay ka. Ang mahalaga, naglingkod ka nang may galak, dahil una sa lahat, minahal ka ng Diyos. At tandaan: ang malalim na kasiyahan at galak na bakas sa ating mga Kristiyano ang pinakamahusay nating paraan para dalhin ang iba pabalik sa Panginoon.
Manalangin tayo: Panginoon, linisin Mo ang layunin ng aming puso.Turuan Mo kaming maglingkod nang tapat, hindi para sa papuri ng tao, kundi para sa kagalakan ng langit. Amen.