Ebanghelyo: Mateo 17,14-20
Lumapit kay Hesus ang isang lalaki, lumuhod sa harap niya at nagsabi: “Ginoo, maawa ka sa aking anak na lalaki na may epilepsi at lubhang nahihirapan. Madalas siyang mahulog sa apoy at kung minsan nama’y sa tubig. Dinala ko na siya sa mga alagad mo pero hindi nila siya mapagaling.” Sumagot si Hesus: “Mga walang pananampalataya at ligaw na tao kayo! Gaano pa katagal na panahon ako mananatili sa piling n’yo? Hanggang kailan ako magtitiis sa inyo? Dalhin siya rito sa akin.” At inutusan ito ni Hesus, at umalis sa kanya ang masamang espiritu. At gumaling ang bata sa sandaling iyon. Pagkatapos ay nilapitan ng mga alagad si Hesus, at tinanong nang sarilinan: “Bakit hindi namin napalayas ang espiritu?” Sinabi ni Hesus sa kanila: “Sapagkat kakaunti ang inyong pananampalataya. Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi n’yo sana sa bundok na ito na gumalaw mula rito at gagalaw ito. At walang imposible para sa inyo.”
Pagninilay:
Sa pagbasa natin ngayon, pinagsabihan ng Panginoon ang kanyang mga alagad dahil sa mahina nilang pananampalataya. Nalungkot si Hesus sa pagkabigo ng mga alagad na pagalingin ang batang may sakit. Noong tinanong ng mga alagad si Hesus kung bakit hindi nila napagaling ang bata, sinabi niya na dahil mahina ang kanilang pananampalataya. Totoo po na magagawa natin ang isang bagay sa tibay ng ating pananampalataya at tiwala sa Panginoon.
Mga kapanalig, kung minsan ay sunud-sunod ang pagsubok na dumarating sa ating buhay. Ito ang mga pagkakataon na dapat lalo tayong maging matatag at matiyaga sa pananalangin. Hindi tayo pababayaan ng Diyos. Madalas sa gitna ng mga pagsubok tayo nagiging mas malakas at higit na malapit sa Panginoon.
Manalangin tayo: Diyos naming Ama sa langit, ibinigay Mo po si Hesus upang maging salamin ng Iyong pagmamahal sa amin. Sa tulong at awa ng Banal na Espiritu maging matatag nawa kami sa aming pananampalataya. Amen.