Lk 21:1-4
Tumingin si Jesus at may mayayaman na naghuhulog ng kanilang abuloy sa kabang-yaman. At nakita rin niya ang isang pobreng biyuda na naghulog ng dalawang barya. At sinabi niya: “Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng dukhang biyudang ito. Naghulog nga silang lahat sa kabang-yaman mula sa sobra nila pero inihulog naman niya mula sa kanyang kasalatan ang buo niyang kabuhayan.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, ang pobreng biyuda sa Ebanghelyong ating narinig, nagpapaalala sa atin sa Mahal na Birheng Maria. Ang dalawang baryang kanyang inihulog sa templo, tanda ng pagbibigay ng kanyang buong sarili. Wala nang natira pa, upang siya’y mabuhay; ang kokonting barya sa kanyang bulsa, ibinigay niya pa sa Panginoon. Kahanga-hanga ang ipinakitang pananalig ng biyuda, na hindi siya pababayaan ng Diyos. Ibinigay man niya ang lahat-lahat sa Panginoon, buo ang kanyang pagtitiwala sa kabutihang loob ng Diyos. Si Maria na isang simpleng dalaga, nag-alay din ng kanyang buong sarili sa Panginoon nang siya’y tumugon ng “Oo” sa ibinalita ng anghel. Ang kanyang “Oo” umalingawngaw sa mga nagdaang panahon na umabot pa magpahanggang ngayon, sa patuloy niyang pakikipaglakbay sa atin patungo sa Panginoon. Mga kapatid, nais bigyang-diin ng Ebanghelyo na hindi mahalaga ang mga panlabas na ibinibigay natin. Mas mahalaga at kalugod-lugod sa Diyos na ang ibinibigay natin, nagmumula sa puso. Si Maria at ang pobreng biyuda, nagbigay nang kanilang sarili sa Panginoon. Ibinigay nila ng buong-buo ang kanilang sarili nang may lubos na pagtitiwala sa kagandanhang-loob ng Diyos. Ang kanilang ginawa, pagpapahayag ng tunay na pananampalataya, pagtitiwala, at ganap na pagsusuko ng sarili sa mapagmahal nating Diyos. Ang paraan ng ating pamumuhay bilang mga Kristyanong nagsusumikap sumunod kay Kristo – maaaring hindi napapansin ng iba, o kinukutya ng mundo. Pero magsaya tayo’t magalak dahil kasama tayo ng Diyos, at nagkakaroon ng kaganapan ang ating buhay sa paglalaan ng panahon sa paglilingkod kay Kristong, ating Hari. Manalangin tayo. Panginoon, tulungan Mo po akong matularan ang Mahal na Birheng Maria at ang biyuda sa kanilang lubos na pagtitiwala Sa’yong kabutihang-loob. Isinusuko ko po Sa’yo ang aking sarili. Pawiin Mo po ang aking sobrang pagkabalisa sa maraming bagay, at tulungang manalig na hindi Mo ako pababayaan. Amen.