Ebanghelyo: Mateo 17: 22-27
Minsan ng maglakbay si Jesus sa Galilea kasama ang Labindalawa, sinabi niya sa kanila: “Ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. Papatayin nila siya ngunit babangon s’ya sa ikatlong araw. Kaya lubha silang nalungkot. Nang makapasok na sila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga taga kolekta ng Templo at tinanong nila s’ya: “Nagbabayad ba ng buwis ang Guro ninyo?” “S’yempre.” At pumasok si Pedro sa bahay ngunit agad s’yang tinanong ni Jesus: “Ano sa palagay mo, Simon? Sino ang nagbabayad ng buwis o parangal sa mga hari ng mundo? Ang mga anak ba o ang iba?” “Ang iba.” “Kung gayon, di saklaw ang mga anak. Ngunit hindi rin natin dapat saktan ang mga taong ito kaya pumunta ka sa dagat, maghagis ng bingwit at buksan ang bibig ng unang isdang iyong mahuhuli. May pera kang matatagpuan doon. Kunin mo ‘yon at magbayad para sa ‘yo at sa akin din.
Pagninilay:
Nagbayad si Jesus ng buwis sa templo kahit hindi naman niya kailangang gawin iyon. Pero para sundin ang batas at hindi masaktan ang mga taong nagmamatyag sa kanya, ginawa niya ang milagro ng isda para magkaroon ng perang pambayad ng buwis.
Habang nabubuhay tayo sa mundo, marami tayong mga taong kailangang sundin. Dapat sundin ng mga bata ang kanilang mga magulang; ng mga mag-aaral, ang kanilang mga guro; ng mga kasambahay, ang kanilang amo. Kailangan din nating sundin ang mga patakaran ng gobyerno, ng mga institusyon, ng Simbahan. Pati na ang ating mga kaaway kung may posisyon at autoridad sila.
Kailangan ng mga rules and regulations sa lipunan para manatili ang peace and order. Nagkakagulo kapag hindi ito sinusunod, at ginagawa lang ng mga tao kung ano ang gusto nila para sa sariling kapakanan. Binigyan tayo ng Diyos ng isang dakilang biyaya – ang free will – ang kalayaang gawin ang ating naiisin upang malaya tayong pumili kung ano ang mabuti, at gawin kung ano ang makabubuti sa lahat. Kaya kapag sumusunod tayo, dapat ginagawa natin ito bilang pagsunod sa Diyos. Sa pagbayad ni Jesus ng buwis sa templo, hindi ipinilit ni Jesus ang kanyang karapatan.
“Basta, gagawin ko kung ano ang gusto ko dahil ako ang tama. Mas may karapatan ako, kaya ako dapat ang masunod!” Hindi ba madalas, ito ang pinagmumulan ng maraming mapapait na away at gulo?
Pinapaalalahanan tayo ni San Pablo: “Taglayin Ninyo ang mga damdamin na tinaglay din ni Cristo Jesus; na bagaman nasa kanya ang kalikasan ng Diyos, hindi niya inangkin ang matulad sa Diyos; sa halip ay pinawi ang sarili, kinuha ang kalikasan na alipin at tumulad sa mga tao.” Katulad ni Jesus matuto nawa tayong magparaya. Sa ating kilos at gawa makikita kung totoong sinusunod natin ang Ebanghelyo ng Pag-ibig.
Panginoong Jesus, Mabuting Maestro, maunawaan nawa namin na mas dakila ang magmahal kaysa maging tama. Amen.